MAGANDANG balita ang sumalubong sa mga consumer sa dalawang sunod na big time rollback. Bumaba ang presyo ng gasolina ng P2 kada litro matapos bumaba ang presyo nito sa Mean of Platts Singapore (MOPS). Bumaba rin ang Dubai crude mula sa dating $82/barrel sa $77/barrel.
Pati diesel at kerosene ay tapyas din ng tig-90 sentimos nitong Linggo. Noong Martes, nag-rollback din ng 85 sentimos kada litro sa gasolina, 65 sentimo kada litro sa diesel at 20 sentimos naman sa kada litro ng kerosene.
Nangako ang Malacanang na sususpendihin ang “excise taxes” bago mag-Enero 2019 kung mananatiling mataas sa $80/barrel ang Dubai crude. Pero, iba na naman ang sitwasyon dahil bumaba ang presyo at ayon sa mga oil analysts, mananatili ito at posibleng maging $76 hanggang Abril 2019.
Magbabago ba ng isip ang Malacanang at babawiin ang pangako?
Kapag sinuspinde, hindi na magdaragdag sa Enero ng P2 kada litro sa diesel at gasolina at P1 kada kilo sa LPG. Ayon sa TRAIN Law, pinatawan ng excise tax ang diesel ng P2.50 kada litro ngayong 2018, magiging P4.50 kada litro sa 2019 at P6 kada litro sa 2020. Ang regular at premium gasoline ay tumaas ng P7 kada litro ngayong taon, magiging P9 kada litro sa 2019 at P10 sa 2020. Ang LPG ay tumaas na ng piso, dagdag na naman ng piso sa 2019 at piso muli sa 2020.
Pero, iba ang sinasabi ng mga economic managers ng Duterte administration tulad ni Finance Sec. Carlos Dominguez. Kung masususpinde ang excise tax, unang-unang tatagpasing gastos ay ang “free college tuition” sa mga state colleges at universities. Ito’y dahil mawawalan ang gobyerno ng P41-bilyon revenues mula sa additional excise tax. Masakit pero, wala ta-yong magagawa at kapit sa patalim ang sitwas-yon lalo’t sobra talaga ang nilipad ng presyo ng langis sa nakaraang mga buwan.
Sana lang, rebisahin muna ng Department of Energy ang umiiral na “fomula” na gamit sa “computation” ng “Mean of Platts Singapore”.
Pareho-pareho ang presyo ng mga oil companies, at parang hindi na naglalaban-laban o pababaan. Ano ang nangyari sa “deregulation” at lalong naghahari ngayon ang mga kumpanya ng langis?
qqq
Bago matapos ang Oktubre, ipapatupad na ang Suggested Retail Price (SRP) sa presyo ng bigas. Ito ang mga sumusunod “P38-39 sa Local Regular milled rice”, “P40—41 sa Local Well milled rice” at “P42-44 sa Whole grain Head rice”. Lahat daw ng bigasan ay magiging ganito ang klasipikas-yon at presyo, kayat hindi na lilitaw ang mga pangalang “sinandomeng, Angelica, Dinorado, Jasmine at iba pa.
Bawal na rin ang pagbebenta ng mga bigas sa “open containers” at ilalagay na ngayon sa mga “vacuum sealed bags” na may pangalan ng mga farmers na nagtanim ng bigas, contact number at lugar ng miller.
Sinumang lalabag na retailer ay mumultahan ng P2 milyon sa ilalim ng Price Act, ayon kay DTI Director Lilian Salongga. Ayon sa kanya, makukulong din ang lalabag ng hindi hihigit sa isang taon.
Ang paghihigpit ng gobyerno ay isinagawa kasabay ng pagbaha ng bigas na halos 2.4 M metriko tonelada ang ipinasok sa bansa. Inalis na rin ng gobyerno ang paghihigpit sa importasyon ng bigas at kahit sinong kumpanya ay pwede nang magpasok ng bigas.
Ang ganitong mga aksyon ay oobserbahan natin. Sa totoo lang, gusto kong makitang may nakukulong na lumalabag sa SRP o PRICE ACT. Para magkaalaman na talaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.