NAGPAPATULOY pa rin pala ang pagtatangi at deskriminasyon sa mga kababaihan nating marino.
Ayon sa marinong nakasaksi sa naturang insidente, may nakasabay siyang babaeng aplikante sa isang manning agency at sa guwardiya pa lamang, tahasang tinatanggihan na nila ang mga ito. Ni hindi nga daw pinapapasok ang naturang marinong babae.
Bawal ‘anya at hindi sila tumatanggap ng babae.
At totoo pa palang nagyayari ang situwasyong ito. Sa kabila ng pag suong ng mga babae sa mundo na tinaguriang pinaghaharian ng mga kalalakihan, hindi pa rin pala nila matanggap na may mga babaeng nakasama na sa kanilang hanay.
Sa katunayan pa nga, may mga babaeng estudyante pa lamang sa maritime school, nagpapakita na ng kakaibang galing at talino.
Taun-taon, may kinikilalang 10 Outstanding Maritime Students ang grupo nina Atty. Dennis Gorecho tuwing sumasapit ang National Seafarers Day. At kasama sa napararangalan ang mga kababaihang estudyante mula sa ibat-ibang panig ng Pilipinas.
Pagkatapos ng kanilang pag-aaral, nakakasakay naman sila ng barko. Iyon nga lamang at kung bakit nga ba may ilang ahensiya at prinsipal ng barko na di kayang tanggapin na may magagaling at wala namang malaking pagkakaiba halos ang pagkakaroon ng babaeng marino sa industriyang ito ng maritima.
Bukod sa pisikal na pangangatawan na maaaring iyon ang ginagawang sukatan ng kahinaan ng isang babae, wala nang iba pa.
Kung pagdating naman sa usapin ng katalinuhan, marami sa mga babaeng marino ang tunay namang marurunong at hindi pahuhuli sa mga kalalakihan.
May malaking bentahe pa nga o advantage ang mga kababaihan pagdating sa trabaho. Mas nakakapokus sila hanggang sa kaliit- liitang mga detalye.
Hindi lang yun. Palibhasa’y walang bisyo, hindi sila pumapasok ng mga lasing o di kaya ay may hang over pa. Kadalasan kasi, away at basag-ulo ang kinahahantungan ng walang patumanggang pag-inom ng alak ng ating mga kalalakihan.
Ang iba naman kapag nalalasing, nag-iiba ang ugali kapag nasayaran ng alcohol ang kanilang lalamunan.
Sinasabing yumayabang at bumibili pa nga ng away ang mga ito.
Kaya ang resulta, mga di natapos na kontrata. Napabababa ng barko ng wala sa oras, magkakaroon ng bad record o di kaya’y kakasuhan pa nga at mahihirapan nang makasakay ng barko muli.
Sana naman baguhin na ng ahensiyang ito ang hindi tamang pagtrato sa ating mga kababaihan. Panahon na upang irespeto, tratuhin ng patas at kilalanin ang galing ng ating mga kababaihan.
Maaari ding e-report ang ahensiyang ito na nagtatangi laban sa mga babaeng marino.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.