Rain or Elasto Painters pinataob ang Barangay Ginebra Gin Kings
Mga Laro sa Linggo (Oct. 14)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NLEX vs Meralco
6:45 p.m. Magnolia vs Alaska
NAUWI ng Rain or Shine Elasto Painters ang unang panalo matapos mapigilan ang Barangay Ginebra Gin Kings, 104-97, sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup game Sabado sa Quezon Convention Center sa Lucena City, Quezon Province.
Nagawang makalamang ng 17 puntos ng Rain or Shine sa ikatlong yugto subalit dahan-dahan itong tinapyas ng Barangay Ginebra sa ikaapat na yugto para makalapit sa apat na puntos, 101-97, may 2:54 ang nalalabi sa laro.
Naghulog si Gabe Norwood ng 3-pointer para bahagyang makalayo ang Elasto Painters, 104-97, may 2:26 pa sa huling yugto at itala ang huling iskor ng laban.
Nagtala si Terrence Watson ng 29 puntos at 19 rebounds para pamunuan ang Elasto Painters na umangat sa 1-4 record. Nagdagdag si Jewel Ponferada ng 18 puntos habang sina Maverick Ahammisi at Norwood ay nag-ambag ng 12 at 11 puntos para sa Rain or Shine.
Gumawa si Justin Brownlee ng 23 puntos, 16 rebound at 9 assist para pangunahan ang Gin Kings na nalasap ang ikalawang pagkatalo sa siyam na laro. Kumamada naman si LA Tenorio ng 15 puntos habang si Aljon Mariano ay may 14 puntos para sa Ginebra.
Samantala, tatangkain ng Magnolia Hotshots na mapanatili ang kapit sa itaas sa paghaharap nila ng Alaska Aces Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maghaharap ang Hotshots at Aces sa ikalawang laro ganap na alas-6:45 ng gabi.
Magtutuos naman sa unang laro ang NLEX Road Warriors at Meralco Bolts dakong alas-4:30 ng hapon.
Kasalukuyang nasa unang puwesto ang Magnolia sa hawak na 6-1 kartada habang nakabuntot sa kanila ang Alaska sa tangang 5-1 record.
Parehong habol ng Aces at Hotshots ang panalo para mapaganda ang kanilang tsansa na makakuha ng top four spot na may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Magpipilit naman ang NLEX na makuha ang ikalimang panalo kontra Meralco para makasama sa walong koponan na uusad sa quarterfinals.
Ang Road Warriors ay kasalukuyang may 4-4 karta at kasalo nila ang TNT KaTropa sa ikaanim na puwesto.
Ang Bolts ay nasa ikasampung puwesto sa hawak na 1-6 karta at nanganganib na tuluyang mapatalsik sa susunod na labanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.