Kilalang veteran singer binastos ng maldita at floptsinang female celeb
MUKHANG napabayaan ng kanyang mga magulang ang isang female personality na mahalagang-mahalaga ang pagrespeto sa mga nakatatanda. Lalo na sa kanyang trabaho bilang artista, ang paggalang sa mga mas nauna sa kanya ay impormante, pero hindi niya ginagawa.
May sariling mundo kasi ang babaeng ito, gagawin niya ang kanyang gusto, wala siyang pakialam sa kung anumang sasabihin ng iba sa kanyang kakaibang ugali.
Minsan pang napatunayan ng isang senior female singer kung gaano kawalang-respeto sa mga beteranong artista ang nasabing female personality na wala pa namang sapat na napatutunayan para siya magmaldita.
Kuwento ng aming source, “Naging guest kasi sa show kung saan kasama ang malditang babaeng ‘yun ang isang senior citizen nang female singer. Natural, dahil marami nang kantang pinasikat ang guest, nagtayuan ang mga co-hosts ng show para siya lapitan.
“Tuwang-tuwa ang grupo, kinakanta-kanta rin kasi nila ang mga sikat na piyesa ng girl, may mga nakipag-selfie pa nga sa kanya. Ang malditang hitad na girl lang ang parang napilitan lang na bumati.
“Para bang sige na nga, naglapitan na sa iyo ang mga kasamahan ko, lalapitan na nga rin kita, para matapos na lang! Parang ganu’n ang porma ng malditang girl!” simulang kuwento ng chikadora naming impormante.
Habang tumatakbo ang show ay pansin na pansin ng veteran singer na kung tingnan ito ng female personality ay para bang sinusukat ang kanyang pagkatao.
“Nu’ng nag-break sila, e, nagtanong ang veteran singer sa make-up artist, ‘May galit ba sa akin si ____ (pangalan ng female personality)? Napansin ko kasi na kung tingnan niya ako, e, mula ulo hanggang paa!’
“Sagot ng tinanong, ‘Naku, huwag n’yo na lang po siyang pansinin, bastos talaga ang babaeng ‘yun! Lahat naman ng nagge-guest dito, e, naiinis sa kanya!’
“Saka lang napakali ang veteran singer, bastos pala talaga ang female personality na kung makaasta, e, para bang tinatao ang mga concert niya at malaki ang kinikita ng mga movies niya!
“Pero sorry na lang, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, flopey ang mga projects niya, di ba? Nakakalimutang panoorin ng mga kababayan natin ang mga pelikula niya, nakakalimutan talaga!” pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.