ANO ang iyong mararamdaman sakaling malaman mong ang kinalakihan mong mga magulang ay hindi pala ang tunay mong ama’t ina?
Sa isang bahagi ng bundok sa Zamboanga naninirahan ang mag-asawang Nanay Menang at Tatay Chimong kasama ang tatlo nilang anak, kabilang na ang bunsong si Joseph na naging saksi kung paanong nagsumikap ang kanilang magulang para mabigyan sila ng magandang buhay.
Dahil bunso, siya ang palaging kasama nina Nanay Menang at Tatay Chimong kahit na sa kanilang pagtatrabaho sa bukid. Habang lumalaki, naririnig niya ang mga tsismisan ng kapitbahay na isa raw siyang “anak ng kawayan”.
At dahil hindi naman niya ito naiintindihan, hindi na lang niya pinapansin ang mga tsismis lalo pa’t ramdam na ramdam naman niya ang pagmamahal ng kanyang magulang. Hanggang sa isang araw, isang lalaki ang dumating sa kanilang bahay at nagpakilalang tunay niyang ama.
Nalaman ni Joseph na ang kinikilala pala niyang ama’t ina ay ang kanyang lolo’t lola. Nang kunin na ng kanyang tunay na tatay, ipinangako ni Joseph na babalikan niya sina Chimong at Menang.
Hindi naging maganda ang pakikitungo sa kanya ng kanyang madrasta kaya nagdesisyon siyang lumayas sa poder ng ama. Mas ginusto pa niyang tumira sa lansangan kesa apihin at alipustahin ng asawa ng kanyang tatay. Dito nagsumikap si Joseph na magkatrabaho at makapag-aral para tuparin ang pangako sa kanyang lolo’t lola na mabigyan sila ng maayos na buhay.
Magtagumpay nga kaya si Joseph ang kanyang mga pangarap? Maabutan pa kaya niyang buhay ang kinagisnan niyang magulang? At mahanap pa kaya niya ang kanyang tunay na ina at mga kapatid?
Sa panulat nina Mae Rose Balanay at Arah Jell Badayos at sa direksyon ni Raz dela Torre, tungyahan ang nakakaiyak ngunit nakaka-inspire na kuwento ni Joseph sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya na pagbibidahan ni Mark Neumann.
Makakasama rin dito sina Yñigo Delen, Nanding Josef, John Arcilla, Eda Nolan, Claire Ruiz at Maricel Morales. Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN hosted by Charo Santos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.