Si mayor type pahirapan ang bumoto sa kanya
DISMAYADO ang mga constituents ng isang super rich na mayor sa Central Luzon dahil wala rin daw itong ipinagkaiba sa dating alkalde na kanyang pinalitan.
Wala raw malasakit si mayor dahil mas gusto niyang mahirapan ang mga commuter sa kanilang lungsod sa ngalan ng negosyo o kaya naman ay dahil sa maling bulong ng mga nakapaligid sa kanya.
Paano ba naman, pilit niyang inililipat ang mga sakayan ng PUJ, AUV Express pati na mga tricycle sa isang nakatiwangwang na lote na kasalukuyang paradahan ng mga trak ng basura at bumbero.
Sa kasalukuyan ay kapirasong bubungan lamang at dalawang maliliit na comfort rooms ang matatagpuan sa pinagmamalaki niyang common terminal bukod pa sa may kaso itong nakapending sa hukuman.
Nauna na ring ipinatigil ng Commission on Audit ang paggamit ng dating mayor ng lungsod sa nasabing lote dahil nga may kaso pa ito na hindi nareresolba hanggang sa kasalukuyan.
Pahirapan rin ang pagpunta sa nasabing common terminal dahil nilagyan ng limit ang pwedeng daanan ng mga tricycle.
Kailangan pang sumakay ng dalawang beses ng ilang mga residente galing sa kabayanan bago makarating sa common terminal na maalikabok tuwing tirik ang araw at maputik naman tuwing umuulan.
Ayon sa ating Cricket, kaya raw atat si mayor na mailipat ang common terminal sa nasabing kontrobersiyal na lugar ay dahil interesado ito na bilhin ang isang kalapit na commercial space nito.
Wala kasing tao halos sa nasabing lugar at ang nakikita niyang paraan para dayuhin ito ng mga shoppers ay ang pagtatayo malapit dito ng isang common terminal para sa public transport.
Umiral daw ang pagiging negosyante ni mayor kaya hindi na niya inisip ang comfort ng mga pasahero na karamihan ay bumoto sa kanya noong nakalipas na halalan.
Pati ang mga pulis na inuutusang manghuli sa mga nagsasakay sa kasalukuyang terminal ay naguguluhan na rin at nagtataka kung bakit ayaw i-renew ng city hall ang permit ng kasalukuyang common terminal gayung sumusunod naman ito sa mga alituntunin ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang alkalde na bida sa kwento ngayong araw ay si Mayor H…as in Hennesy na mula sa isang lugar na malapit lang sa Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.