Nabiktima ng krimen nabawasan, marami pa rin ang takot -SWS
BUMABA ang bilang ng mga naging biktima ng krimen pero marami pa rin ang natatakot na manakawan, maglakad sa kalsada kapag gabi, at mabiktima ng mga adik.
Sa second quarter survey ng Social Weather Station, sinabi ng 5.3 porsyento (1.2 milyon) na nabiktima siya o miyembro ng kanyang pamilya ng pandurukot, pagnanakaw, karnaping o pananakit sa nakalipas na anim na buwan. Ito ang pinakamababa mula noong Hunyo 2017 kung saan 3.7 porsyento ang naitala.
Mas mababa ito sa 6.6 porsyento (1.5 milyon) na nabiktima ng krimen sa survey noong Marso 2018.
Ayon sa SWS mas mataas ang kanilang naitatalang pangkaraniwang krimen kung ikukumpara sa datos ng pulisya.
Samantala, sinabi ng 55 porsyento na natatakot sila na manakawan, bumaba ng isang porsyento sa survey noong Marso.
Nanatili naman sa 46 porsyento ang mga nagsabi na “ang mga tao ay karaniwang natatakot na maglakad sa kalye sa gabi dahil mapanganib”.
Nadagdagan naman ng isang porsyento ang nagsasabi na “sa lugar na ito, napakarami na ang mga taong na-aadik sa mga ipinagbabawal na gamot”. Naitala ito sa 41 porsyento.
Ang survey ay ginawa mula Hunyo 27-30 at kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.