LUMOBO sa halos 60, at pinangangambahang tataas pa, ang bilang ng mga nasawi sa bagyong “Ompong” dahil sa landslide na naganap sa Itogon, Benguet, bago mag-tanghali, Linggo.
Mahigit 30 katao ang kumpirmadong nasawi nang matabunan ng lupa ang isang bunkhouse, na minsa’y ginagamit bilang bahay-sambahan at nagsilbing silong ng mga residente noong kasagsagan ng bagyo, sabi ni Senior Supt. Lyndon Mencio, direktor ng Benguet provincial police.
Naganap ang insidente sa dating mining area ng Benguet Corp. sa Level 70, Brgy. Ucab, bago mag-alas 12.
“Bunkhouse po ito kung saan dun nag-evacuate yung ilang tao nung bagyo. Konkreto siya kaya dun sila nag-evacuate. Bunkhouse siya na ginagawa ring worship house,” sabi ni Mencio nang kapanayamin sa telepono ng Bandera.
Sinasabing mahigit 40 katao, na pawang mga “pocket miner” at mga kaanak, ang sumilong sa istruktura.
Napaulat na may 13 katao pang nawawala, pero ayon kay Mencio, di pa matiyak kung ilan pa ang kailangang hanapin.
“Dun lang ‘yun sa isang area. Sa ibang area, may natabunan na bahay, may natabunan din mga nagre-rescue na civilians,” aniya.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y patuloy ang search and rescue operation sa pinangyarihan.
Hiwalay pa ang mga naturang casualty sa 20 kataong naiulat na nasawi sa Benguet at iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region.
Anim sa Baguio City, tatlo sa La Trinidad, apat na iba pa sa Itogon, at isa sa Pasil, Kalinga, ang nasawi, karamihan dahil sa pagguho ng lupa, ayon sa tala ng Office of Civil Defense-Cordillera, Linggo ng umaga.
Sa Purok Dantay, Brgy. Alab ng Bontoc, Mountain Province, anim ang nasawi nang maguhuan ng lupa ang bahay ng isang mag-anak, ayon sa OCD.
Sa Kayapa, Nueva Vizcaya, apat na miyembro ng pamilya ang nasawi rin nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay, sabi ni Supt. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng Cagayan Valley regional police.
Una nang inulat ng pulisya na may sanggol na nalunod sa baha sa Pio Duran, Albay, at isang security guard na nasawi nang mabagsakan ng pader sa Caloocan City, noong kasagsagan ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.