Kisses, Donny matinding kilig ang hatid sa ‘PlayHouse’ | Bandera

Kisses, Donny matinding kilig ang hatid sa ‘PlayHouse’

Ervin Santiago |September 14,2018
facebook
share this

Kisses, Donny matinding kilig ang hatid sa ‘PlayHouse’

Ervin Santiago - September 14, 2018 - 01:10 AM

KISSES DELAVIN AT DONNY PANGILINAN

Panibagong feel good drama ang siguradong maghahatid ng saya at kilig sa bawat pamilya tuwing umaga sa pag-uumpisa ng PlayHouse, ang seryeng magbibigay ng pangalawang pagkakataon simula sa Lunes (Set. 17) sa ABS-CBN.

Iikot ang kuwento ng PlayHouse sa temang “love is a choice” – kagustuhan ng isang taong manatili sa relasyon, ngunit pwede rin itong magbago. Ilalahad ito ng mga karakter nina Angelica at Zanjoe na sina Patty at Marlon – dalawang magkasintahan na kalaunan ay nauwi sa kasalan ang relasyon. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, agad ding naputol ang inaakala nilang walang hanggang pagmamahalan.

Sa muli nilang pagkikita, ipipilit ni Patty na mag-file ng annulment para pormal nang makipaghiwalay kay Marlon. Ngunit sa pagkakataong akala nila tapos na ang lahat, isang trahedya ang babago sa kanilang buhay.

Maaaksidente ang kaibigan nilang sina Emily at Brad at maiiwang ulila ang anak nilang si Robin (Justin James Quilantang). Dahil dito, tatayong legal guardian ng bata sina Patty at Marlon, at mapipilitang magsama sa iisang bahay upang masigurong maayos ang kalagayan ni Robin.

Hindi naman sasayangin ni Marlon ang pagkakataong ito at ipaglalaban pa rin ang pagmamahal sa asawa upang mapigilan ang annulment na ipinipilit ni Patty.

Si Robin na nga ba ang susi sa muling pagbabalikan nina Patty at Marlon at mabuo ang pamilyang minsan nilang inasam?

Magdadala rin ng matinding kilig sa serye ang bagong tambalan nina Kisses Delavin at Donny Pangilinan. Mapapanood sila bilang Shiela at Zeke, dalawang hindi magkasundong mga tao, na kalaunan naman ay mahuhulog sa isa’t isa.

Kasama rin sa PlayHouse sina Kean Cipriano, AC Bonifacio, Ariella Arida, Dexter Doria, Nadia Montenegro, Ingrid dela Paz, Jomari Angeles, Malou de Guzman, Smokey Manaloto at Maxene Magalona.
Panoorin ang PlayHouse simula ngayong Lunes sa ABS-CBN, kapalit ng Sana Dalawa Ang Puso.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending