Pepe Herrera hindi manloloko ng babae: Takot ako sa karma!
HINDI itinanggi ni Pepe Herrera na minsan ay pumapasok sa isipan niya na sana’y hindi na lang siya umalis sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil malaki ang nagawa nito sa karera niya bilang aktor.
Pero dahil kalusugan na niya ang apektado ay kinailangan niyang iwan ang numero unong programa sa ABS-CBN.
Sa tanong kung gusto niyang bumalik sa aksyon-serye ni Coco Martin, “Sa ngayon po sa totoo lang hindi ko po nakikita ‘yung possibility kasi ‘yung takbo ng kuwento ngayon parang mas maganda kung hindi na.
“Para sa akin lang naman hindi ko naman natatanong pa si Coco or sinuman about it na mas maganda kung magkasama kami sa ibang project kasi si Coco naman tuluy-tuloy pa rin ang paggawa niya ng ibang project dahil siya ang bumubuo ng concept. He’s also a producer and director,” sabi ng komedyante.
Tinanong namin kung isinama siya ni Coco sa pelikula nila ni Vic Sotto na “Jak Em Poy: The Puliscredibles” dahil balitang magkakaroon ng reunion ang lahat ng nawalang cast members ng Probinsyano sa pelikula.
“Hindi ko po alam kung puwede ko ng sabihin or you can quote on this, alam ko magkakaroon ng cameo. Although hindi ko pa masabing 100% sure. Sa ngayon hindi pa umabot sa akin ‘yung reunion o baka naman nasabi na nakalimutan ko lang. Mamaya po iko-confirm ko,” say ni Pepe nang makausap ng press pagkatapos ng mediacon ng pelikulang “The Hopeful Romantic.”
Isa lang si Pepe sa mga natulungan ni Coco na magkaroon ng malaking pangalan sa showbiz dahil sa Ang Probinsyano.
Halos lahat ng mga sikat na artista noong araw ay gustung-gustong mag-guest sa aksyon-serye ni Coco.
Sang-ayon si Pepe, “Second nature po talaga kasi ni Coco ‘yun, eh. Kuya kasi siya. Maski sa family niya alam naman ng lahat na breadwinner siya, nagta-translate ‘yun kahit sa ibang tao. Marami na talaga siyang natulungan.
“Ako nga po hindi lang tulong ang ginawa sa akin, napagsasabihan din niya ako kapag nalilihis ng landas. Me katigasan po kasi ang ulo ko, impulsive choices ganu’n. Wala naman po akong bisyo, natigil ko na po na masama sa atay, red wine-red wine na lang,” sabi pa ng aktor.
Samantala, sa “The Hopeful Romantic” ay hindi babaero ang karakter ni Pepe, ganito rin ba siya sa tunay na buhay.
“Opo, nakaka-relate ako sa character ko, all mine to give po. Hindi lang ako masyadong mahilig magbigay ng material things pero ‘yung quality time at mag-isip kung saan tayo puwedeng pumunta na masaya. At saka sa iisang babae lang ang focus ko pag nagmahal, takot kasi ako sa karma,” paliwanag ni Pepe.
Anyway, sa Set. 12 na mapapanood ang “The Hopeful Romantic” kung saan makakatambal ni Pepe si Ritz Azul mula sa direksyon ni Topel Lee handog ng Regal Entertainment.
q q q
Tawa nang tawa ang mga miyembro ng entertainment media na dumalo sa presscon ng The Kids’ Choice nang sagutin ng limang batang hurado ang tanong kung sino ang favorite judges nila sa anumang Kapamilya reality show o contest.
Isa-isang sumagot sina Onyok Pineda, Xia Vigor, Jaden Villegas, Carlo Mendoza at Chunsa Jung.
Ang pagmamalaking sabi ni Carlo, “Si ate Anne (Curtis) kasi po maganda po siya, magaling kumanta, mabait siya sa mga bata at namimigay po ng chocolates.” Na ikinagulat ng lahat dahil saan ba naging hurado ang TV host-actress. Sabi ni Carlo, “Sa Showtime po (Hypebeast).”
Ayon naman kay Chunsa, “Ako po halos lahat ng judge ay gusto ko po dahil nagiging inspirasyon po sila sa akin lalo na ngayong judge na rin ako. Lahat po ng judge before na adults po o matatanda. Lahat naman po sila idol ko.”
Mataas naman ang pangarap ni Xia dahil, “Favorite ko pong judge is Simon Cowell po. Kasi lagi po akong nanonood ng mga show niya at kung paano po siya maging fair and honest. Tapos lahat po ng artistang favorite ko sa Hollywood, siya po ang nagpasikat kaya gusto ko ‘yung mga message. Gusto ko pong maging Simon Cowell ng Pilipinas.”
Ang paborito naman ni Onyok, “Sa totoo lang po lahat naman, pero ang pinakagusto ko po si kuya Gary V (judge sa Your Face Sounds Familiar Kids) kasi gusto ko siya mag-comment at magaling din po.”
“Si kuya Andrew E (I Can See Your Voice/It’s Showtime, Hypebeast) kasi po ‘yung pagko-comment niya, sabog po talaga,” sabi naman ni Jayden.
Napapanood ang The Kids’ Choice tuwing weekend ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.