Robi sa bagong lovelife: Ngayong 2018 pinipili ko ang muling kiligin! | Bandera

Robi sa bagong lovelife: Ngayong 2018 pinipili ko ang muling kiligin!

Ervin Santiago - September 01, 2018 - 12:25 AM

HANGGA’T maaari ay ayaw nang magdetalye pa ang Kapmilya TV host na si Robi Domingo tungkol sa kanyang lovelife. Non-showbiz naman daw kasi ang babaeng nagpapaligaya ngayon sa kanya.

Sa presscon ng bagong reality talent search ng ABS-CBN, ang The Kids’ Choice, inamin ng binata na he’s dating at masaya ang lagay ng kanyang puso ngayon.

Batchmate niya sa Ateneo De Manila University ang girl at matagal na raw silang magkaibigan at na-develop nga sa isa’t isa nitong mga nakaraang buwan, “Lahat naman tayo may choice sa buhay. Ngayong 2018, pinipili ko mas maging masaya at kiligin. I’m dating.”

Tumanggi pa ring pa-ngalanan ni Robi ang kanyang non-showbiz girlfriend pero kalat na kalat na ngayon sa social media ang name ni Maqui Pineda, na napabalitang siyang ka-date ng binata sa premiere night ng pelikulang “BuyBust” ni Anne Curtis noong Hulyo. Sa isang panayam, sinabi ng TV host na, “Mahilig siya sa local movies. She’s into supporting local movies, local arts, basta anything local.”

Nang tanungin ng mga reporter after ng presscon ng The Kids Choice sa tungkol sa pambubuking sa kanya ng kaibigang si Alex Gonzaga na nakahuli sa kanya sa isang mall habang ka-date si Maqui, ito ang tugon ni Robi, “Honestly, hindi ko talaga alam kung anong nangyari. Kung anuman nangyari du’n, I really hope na I have to keep it private.

“Kung sino man ang kasama ko, she’s not a public figure. Very private yung family niya,” pakiusap ng binata.

About naman his plans of getting married, “Whenever I enter in a relationship, hopefully du’n na. Hindi naman ako pupunta sa isang relasyon kung maglalaro lang ako. Hindi pa handa, pero hinahanda ang sarili.”

Kung super happy na siya sa kanyang lovelife ngayon, ibig sabihin tuluyan na siyang naka-move on sa break-up nila ni Gretchen Ho, “Ha-hahaha! Ang init, ha? Wooo! Hindi naman talaga mawawala yung pagkakaibigan. Yung history, siyempre nandu’n pa rin. Pero yung degree mag-iiba na iyan. How I treat her will be different.

“Pero yung pakiramdam ko towards her would be the same na pag-care. When it comes to caring, being proud of her, yung paghanga ko sa kanya, ganu’n pa rin. Kaya hanggang ngayon, she serves as inspiration for work,” paliwanag pa ni Robi.

q q q

Samantala, mas mapupuno pa ng saya ang weekend family bonding sa pagsisimula ng The Kids’ Choice, ang pinakabagong Kapamilya talent-reality competition kung saan sa unang pagkakataon, mga bata naman ang bibigyang kapangyarihang kumilatis ng mga talento simula ngayong Sabado at Linggo (Set. 1 at 2).

Hosted by Robi Domingo at Kapamilya comedian Eric Nicolas, ang The Kids’ Choice ay isang orihinal na konsepto na kinabibilangan ng “The Just Kids League,” ang mga batang huradong huhusga sa performances ng mga “Fam-bato” o magkakapamilyang contestants na linggo-linggong magpapakitang gilas sa entablado.

Kasama sa “The Just Kids League” ang worldwide trending social media sensation na si Xia Vigor na hinangaan para sa kanyang performances sa Your Face Sounds Familiar Kids at maging sa pag-arte sa pagbida niya sa Kapamilya seryeng Langit Lupa.

Hurado rin si Onyok Pineda, ang kilalang batang sidekick sa FPJ’s Ang Probinsyano at isa rin kinabiliban sa mahusay niyang transformations sa YFSF Kids.

Dadalhin naman ng viral child wonder na si Carlo Mendoza, na sumikat sa Gandang Gabi Vice, ang kanyang gigil na mga hirit na magdadag saya sa weekend ng mga manonood.

Katatawanan din ang dala ni Chunsa Jung na linggo-linggong napapanood sa Goin’ Bulilit at kinakitaan din ng talento sa pagpe-perform sa YFSF Kids.

Ang talented skater boy naman na si Jayden Villegas na una nang napanood sa Little Big Shots, ang kukumpleto sa “The Just Kids League.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kada episode, apat na “Fam-bato” ang magpapakita ng iba’t ibang talento at susubukang pabilibin ang kiddie judges upang hirangin silang The Kids’ Choice. Ngunit bukod sa tagisan ng galing, matutunghayan din ang kuwento ng bawat pamilyang kalahok na siguradong kapupulutan ng aral at inspirasyon ng mga manonood.

Huwag palalampasin ang pagsisimula ng nag-iisang talent competition kung saan bata naman ang may last say, ang The Kids’ Choice simula ngayong Sabado at Linggo ng gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending