DEAR Atty.:
Si Jennie po ito from Compostela Valley, 29. May anak po ako, 4 years old na ngayon. Gusto ko pong ilipat sa apelyido ko ang pangalan niya kasi po wala naman ng pakialam ang aking asawa mula nang ipina-nganak ko ang anak ko. At wala po kaming balita sa kanya. Hindi ba labag sa batas na ilipat ko ang apelyido niya sa akin at paano po?
Meron na rin akong kinakasamang iba ngayon, gusto po naming maging legal ang aming pagsasama at gusto rin po naming magkaanak pero kasal kami ng dati kong asawa. Ano po ang gagawin ko? Sana po ay mapayuhan ninyo ako at sa mga proseso na walang gastos. Salamat po. — Jennie, ….1155
Dear Jennie:
Kung kasal po kayo sa first husband ninyo, kailangan po na kayo ay mag-apply ng “Petition for Annulment of Marriage” sa Regional Trial Court sa Compostela Valley. Ang judge lang po ang katangi-tanging nakakapagpawalang bisa ng kasal. Kung kayo po ay papasok sa second marriage, ito po ay bigamya/bigamy, isa po itong kasong kriminal na may kaukulang parusa.
Tungkol naman sa inyong anak na nais ninyong papalitan ang apelyido mula sa apelyido ng kanyang tatay sa apelyido ninyo, ang anak ninyo ay “legitimate child” sapagkat ang mga magulang niya ang kasal sa isa’t-isa.
Bilang legitmate child, apelyido ng ama ang automatic na apelyidong gagamitin niya. At hindi pwedeng palitan ang kanyang apelyido.
Kung inabandona na kayo ng inyong first husband at hindi binibigyan ng financial support, magsampa kayo ng criminal complaint na VAWCI (Anti-Violence Against Women and Children). Ang hindi pagbibigay ng financial support sa anak ay isang krimen at labag sa batas. — Atty.
Dear Atty.:
Gusto ko sana itanong ang tungkol sa kaso ng kapatid ko. May nakabanggaan siya na kotse dahil nag-u-turn sa di tama kaya nabangga ng motor ng kapatid ko sa Camp Karingal. Ang kaso sinisingil siya ng P15,000 para ipagawa ang headlight at bumper na nasira. Tama ba ‘yung singil? Wala din kasi kaming pera na ganoon kalaki para mabayaran. Maraming salamat and God bless. — Noel, Bulacan, …0709
Dear Noel:
Base sa inyong salaysay, ang nangyari ay “Damage to property thru reckless imprudence”. Ang ibig nitong sabihin ay dahil kulang sa pag-i-ingat, nagkaroon ng danyos/damage sa property na pag-aari ng iba.
Kung ang kapatid ninyo ang may pagkukulang sa ingat, siya talaga ang dapat magbayad ng danyos o damage to property ng nakabanggaan niya.
Maiging makipag-ayos sa nakabanggaan ninyo kaysa sa mauwi pa sa demandahan ang insidente.– Atty.
Editor: Meron ba kayong nais na idulog na problemang legal? O may komento o reaksyon kayo? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.