PUMALO na sa 73 ang bilang ng mga namamatay sa leptospirosis ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, iniulat ni Health Sec. Francisco Duque III na nasa 561 na ang naospital sa nasabing sakit.
Payo ni Duque sa publiko, agad magpatingin sa ospital kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis.
“Sa leptospirosis cases natin, ang naospital ang total natin 561, madami talaga, 73 ang pumanaw, dahil nga masyado nang huli nung sila ay magpatingin,” aniya.
Dagdag ng opisyal, mas mataas na ng 275 porsyento ang naitalang kaso ng leptospirosis ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2017.
“Mataas ito malaki, 275 percent higher. Malaki talaga kasi nga kakaiba talaga ang mga ulan natin, minsan walang patid at minsan buong linggo umuulan. Lalo na nung Hunyo, noong kasagsagan ng pagbaha. Iyon din ang mat pinakamataas na bilang ng leptospirosis cases natin,” sabi ng opisyal.
Ani Duque, maituturing na high-risk sa nasabing sakit ang mga taong nakatira sa mga lugar na laging binabaha at maging ang mga nagtatrabaho sa disaster preparedness na lagi ring lumulusong sa tubig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.