Altas vs Red Lions sa unang laro ng NCAA Season 94
HANGAD ng San Beda University na pahabain pa ang kanilang paghahari sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s senior basketball.
Sa pagbubukas ng Season 94 ngayong Sabado sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City ay makakasagupa nito ang Perpetual Help Altas na siyang host sa taong ito.
Nanatiling matatag ang Red Lions sa season na ito sa pagbabalik nina Robert Bolick, Javee Mocon at Finals MVP Donald Tankua habang nakuha nito ang mahusay na guard na si Evan Nelle mula sa San Beda-Taytay High School.
Hindi na makakasama ng Red Lions ngayong taon sina Davonn Potts at Arnaud Noah ng Cameroon na papalitan ng mas matangkad na foreign player mula Nigeria na si Toba Eugene.
Haharapin ng San Beda ni coach Boyet Fernandez ang patuloy na naghahangad sa una nitong titulo na Perpetual Help na mamanduhan ngayon ni coach Frankie Lim.
Magugunitang ginabayan noon ni Lim ang Red Lions sa apat na kampeonato sa liga at ngayon ay dadalhin niya ang kanyang kakayahan sa kampo ng mga Altas.
Magsasagupa naman sa ikalawang laro ganap na alas-4 ng hapon ang 2017 runner-up na Lyceum of the Philippines at San Sebastian College.
Samantala, inihayag ni NCAA president Anthony Tamayo ng Perpetual Help ang tuluyan nang isasara ng liga ang pinto nito sa mga foreign players umpisa sa Season 96.
“The standing policy of the NCAA on foreign players has been approved by the league since 2013. The policy is phased and has two components (1) recruitment of foreign players; and (2) the playing years of foreign players,” aniya.
“As to recruitment, after the cut-off date last December 16, 2013, recruitment of players will no longer be allowed by the league.’’
Inanunsiyo rin ni Tamayo ang paggpapatuloy ng “NCAA On Tour” na mag-uumpisa sa Hulyo 12 sa Jose Rizal Gym. Susundan ito sa Hulyo 19 sa Arellano Gym, Hulyo 26 sa Emilio Aguinaldo Gym, Agosto 2 sa Letran-Calamba Gym at Agosto 9 sa Perpetual Help Gym.
—Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.