Rain or Shine Elasto Painters binigo ang Blackwater Elite | Bandera

Rain or Shine Elasto Painters binigo ang Blackwater Elite

Angelito Oredo - June 08, 2018 - 10:20 PM

Laro Ngayon
(Ibalong Centrum for Recreation)
5 p.m. Barangay Ginebra vs NLEX

AGAD na pinutol ng Rain or Shine Elasto Painters ang pagsasaya ng Blackwater Elite matapos agawin ang 104-94 panalo tungo sa muling pagsosolo nito sa liderato ng papatapos na eliminasyon ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Binalewala ng Elasto Painters ang pagkakaiwan sa 11 puntos sa ikatlong yugto matapos mag-init ang mga kamay ni Chris Tiu upang itala ang ikaapat nitong sunod na panalo at magpakatatag sa inaasam na isa sa dalawang puwesto na awtomatikong silya sa semifinal round sa bitbit na 7-1 panalo-talong kartada.

Ibinuhos ng Blackwater ang 33 puntos sa ikatlong yugto kahit wala ang import nito na si William Henry Walker na naglaro lamang ng pitong minuto dahil sa shoulder injury upang kapitan ang 77-66 abante sa paglimita sa 20 puntos lamang sa Rain or Shine upang umasa na mapanatili nitong buhay ang tsansang makausad sa quarterfinals.

Gayunman, umarangkada ang Rain or Shine sa huling minuto ng ikatlong yugto para ilapit ang laban sa 72-80 iskor hanggang sa kabuuan ng ikaapat na yugto sa paghulog ng kabuuang 30 puntos habang nilimitahan sa 14 puntos lamang ang Blackwater upang agawin ang panalo.

Itinabla ni Gabe Norwood ang laro sa 84-all bago naghulog ng tres si Tiu para ibigay ang abante sa Elasto Painters, 87-84, sa inihulog na 14-4 atake bago tuluyang umalagwa sa 32-14 bomba sa ikaapat na yugto
upang maitala ang pinakamalaking abante sa 13 puntos, 104-91.

Pinamunuan ni Tiu ang Elasto Painters sa itinala nitong 17 puntos, 7 rebound at 10 assist habang nag-ambag si Raymond Almazan ng 26 puntos, 12 rebound at 2 block. May tig-17 puntos naman sina Maverick Ahanmisi at Reginald Johnson.

Tuluyan naman lumabo ang tsansa ng Elite na makatuntong sa susunod na labanan matapos muling makalasap ng kabiguan na naghulog dito sa 1-8 panalo-talong kartada.

Samantala, inaasahan na magiging dikdikan ang importanteng salpukan ngayon ng Barangay Ginebra Gin Kings at NLEX Road Warriors na kapwa nais makaiwas sa maagang pagkakapatalsik sa kanilang laro na gaganapin sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City, Albay.

Inaasahang magiging mahigpit ang nakatakdang bakbakan ng Gin Kings at Road Warriors sa alas-5 ng hapon kung saan parehong nagnanais makaangat ang dalawang koponan para makaabot sa walong koponan na tutuntong sa quarterfinals.

Bitbit ng Road Warriors ang 2-5 panalo-talong kartada para sa ika-10 puwesto habang nakakapit naman ng Gin Kings ang 1-5 panalo-talong record para sa ika-11 silya na kapwa mapapatalsik sa pagtatapos ng maigsi at isang round lamang na eliminasyon ng import-reinforced na torneo.

Nalasap ng Gin Kings ang ikatlong sunod na kabiguan sa San Miguel Beermen sa overtime, 97-104, habang tumaob din ang Road Warriors sa TNT KaTropa, 106-117.

Patuloy na hindi makabalanse ang Gin Kings na masaklap ang naging pagsisimula kasama ang import na si Chuck Garcia at minalas sa huli nitong laro sa pagbabalik ni Justin Brownlee.

Problemado naman ang NLEX na matapos magtamo ng injury ang point guard na si Kevin Alas ay nasuspindi naman ang top rookie pick nito na si Kiefer Ravena na hindi makakalaro sa loob ng 18 buwan matapos na suspindihan ng FIBA matapos na bumagsak sa doping test.

“Madadama mo ang frustration, magagalit ka dahil hindi makumpleto at matapos ang laro sa last four or five minutes na we still had the chance to win the game,” sabi ni NLEX coach Yeng Guiao. “But kulang talaga kami sa firepower. When you play a team with a lot of offensive weapons like TNT, that’s the time you really miss Kiefer, you really miss Kevin.”

Kaya naman kapwa inaasahan ng dalawang koponan ang matinding paglalaro.

Matatandaan na una na itinakda ang laro sa Legazpi City para sa isang PBA road show noong nakaraang kumperensiya subalit kinansela dahil sa pagputok ng hinahangaan sa buong mundo na Mayon Volcano.

“We are still adjusting with the absence (of Kiefer Ravena and Kevin Alas), but we need to adjust quickly because we only have four games left and if we want to give ourselves a chance. We can’t lose a single game anymore,” sabi pa ni Guiao.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Umaasa naman si Barangay Ginebra ace guard LA Tenorio na makakabangon ang Gin Kings sa pagbabalik ni Greg Slaughter at Joe Devance.

“We’re playing our third game na kumpleto kami. I think there are positive things na pwedeng kuhanin namin sa mga weekend games, but of course there’s room for improvement pa sa amin,” sabi ni Tenorio.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending