42nd Milo Marathon champ ilalaban sa SEA Games
INAASAHANG mas magiging maigting ang labanan at gitgitan sa pagsasagawa ng ika-42 edisyon ng National MILO Marathon matapos itakda ang taunang takbuhan bilang qualifying race para sa tampok na karera sa pagho-host ng Pilipinas sa ika-30th Southeast Asian Games sa 2019.
Ito ang sinabi ni Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico kasama ang mga organizer ng 42nd Milo Marathon na sina Joey Uy, Willy De Ocampo, Lester Castillo at Robbie De Vera sa paglulunsad Huwebes ng event sa Conrad Hotel sa Pasay City.
Ito ang unang pagkakataon na ang magwawagi sa taunang karera ang magiging pambato ng bansa sa isasagawa na 30th Southest Asian Games sa 2019 sapul na magpareha ang Patafa at nag-oorganisang Nestle Philippines.
“We take pride in having the winners to be the country’s representative to the 2019 SEA Games and Milo Marathon itself as the qualifying event for the biennial tournament,” sabi ni De Vera, ang Milo consumer marketing manager.
Idinagdag din ni Juico na posible rin na ang maghahari’t reyna sa susunod na edisyon ng National Milo Marathon 2018 National Finals, na may tema sa pangalawang sunod na taon na “Magsama-sama, Tumakbo, Matuto” ang basehan upang maging representante ng bansa sa susunod na mga internasyonal na torneo.
“For continuously producing the long distance runners that produce gold medals for the country like Mary Joy Tabal, Christabel Martes and others, we will use the National Milo Marathon as qualifier for next year’s 30th Southeast Asian Games 2019 which the country is hosting,” sabi ni Juico.
Matatandaan na hindi kasali ang full 42.195 kilometrong distansiya sa isinasagawa ng Patafa na taunan nitong National Open kung kaya napagkasunduan mismo ng asosasyon at Nestle Philippines na kilalanin ang inaabangan kada taon na karera bilang qualifying event sa SEA Games.
Pinasalamatan ni Milo Philippines sports executive Lester Castillo ang Patafa sa pagtapik sa pinakamatagal at pinakamahabang takbuhan sa bansa na aktuwal na 5-in-1 event bilang qualifying run para sa 2019 SEA Games marathon.
Nakahanay ang dalawang 42.195-kilometrong karera sa Manila Elimination sa Hulyo 29 sa Pasay City at sa National Finals sa Disyembre 9 sa Laoag City kung saan magdedepensa ng korona sina Joerge Andrade ng Digos City at Mary Joy Tabal ng Cebu City.
Hahagibis naman ang siyam na 21K qualifying event sa panimulang yugto sa Urdaneta City sa Hulyo 15, sa Tarlac City sa Agosto 26, sa Batangas City sa Setyembre 16, sa Lucena City sa Setyembre 30, sa Iloilo City sa Oktubre 7, sa Cebu City sa Oktubre 14, sa Gen. Santos City sa Oktubre 21, sa Butuan City sa Nobyembre 11 at sa Cagayan de Oro City sa Nobyembre 18.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.