Cyber libel case na isinampa ni Vic laban kay Darryl aabot ng P35-M
Trigger Warning: Mentions of rape.
KASABAY ng paglaki ng isyu, malaki rin ang hinihinging danyos ni Vic Sotto kay Darryl Yap.
Ang cyber libel case na isinampa ng batikang TV host at aktor ay aabot ng kabuuang P35 million –P20 million bilang moral damages at karagdagang P15 million bilang exemplary damages.
Magugunita noong January 9, kinasuhan ni Bossing Vic si Darryl ng 19 counts of cyberlibel sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagdawit sa pangalan niya sa movie teaser bilang “rapist” umano ng yumaong aktres na si Pepsi Paloma.
Kasunod nito, kinatigan ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang pag-isyu ng Writ of Habeas Data upang ipatigil ang pagpo-post at pagse-share ng teaser video ng naturang pelikula.
Baka Bet Mo: Darryl Yap sa Pepsi Paloma movie: Wala akong sinabing si Vic
Ayon sa abogado ni Bossing Vic na si Atty. Enrique Dela Cruz, ang 19 counts ng cyberlibel ay tumutukoy kung ilang beses nag-post o nagbahagi ang direktor ng umano’y malisyosong pahayag o video upang i-promote ang kanyang pelikula.
“The defamatory character of respondent’s Facebook post cannot be denied in the reactions it triggered from the public, including the tirade of invectives and lewd comments online,” saad ng aktor sa kanyang 28-pages na reklamo.
Dagdag niya, naapektuhan na rin pati ang kanyang pamilya dahil sa “online attacks” na dulot ng upcoming movie.
“Some even have suggested that my current wife was also raped and that my minor child is my daughter with Pepsi Paloma,” wika ng mister ni Pauleen Luna.
Sinabi rin ng 70-year-old comedian na hindi nagpakita ng “basic human decency” si Darryl upang hingin ang kanyang panig sa kwento.
Nilinaw din niya na ang kasong rape laban sa kanya ay ibinasura mahigit 40 years ago na.
Samantala, sinabi ni Direk Darryl na sasagutin nila agad ang reklamo ng TV host at komedyante kapag natanggap na nila ang kautusan ng korte.
Pahayag niya, “Wala pong personalan, naglalahad lamang po ako ng nangyari sa nakaraan na makikita sa mga nailathala noong 1980s. Naisapubliko naman po iyon.”
Sey pa ng direktor, “Nasa caption din po ng post na inurong ang kaso. Hindi po tayo nagkulang.”
“Wala po akong sinabing si Vic Sotto ang pinatutungkulan ng title ng pelikula — sila lang po ang nagsabi niyan. Mahalagang mapanood muna nila ang buong pelikula,” esplika pa niya.
Sa panayam ng media kay Bossing hinggil sa isinampa niyang kaso, sinabi rin niya na wala itong personalan kundi nais lamang niyang managot ang mga taong nasa likod ng paninirang-puri laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.