CITY of Ilagan, Isabela — Inangkin ng Dasmariñas City Athletics Team ang overall title sa boys at girls division pati na rin ang juniors category sa pagwawakas ng 2018 Ayala Philippine Athletics Championships Lunes ng gabi sa City of Ilagan Sports Complex dito sa Barangay San Felipe.
Nakapagtipon ang mga atletang suportado ni Dasmariñas Mayor Elpidio Barzaga, Jr. ng 12 ginto, anim na pilak at dalawang tanso para iuwi ang juniors title.
Nanalo rin ang koponan ng anim na ginto at dalawang tanso sa boys division at anim na ginto at anim na pilak sa girls category sa anim na araw na palaro.
Maagang niregaluhan ni Verdadero ang sarili sa pagdiriwang ng kanyang ika-17 kaarawan sa Hunyo 10 sa paghablot ng apat na ginto at isang pilak upang hirangin bilang Most Valuable Player ng juniors division bukod pa sa pagiging Fastest Junior Athlete sa pangunguna nito sa DCAT at pagwagi sa 100m, 200m 4×100 Mixed Gender Jrs. Champion Team at 4×400 Mixed Gender Juniors. Champion Team.
“It just shows how good is the program of Dasmariñas City is,” sabi ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico na binalangkas ang naturang palaro na sinuportahan din nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez, City of Ilagan Mayor Evelyn Catolico Diaz, Ayala Corporation at Milo.
Nakatuwang ni Verdadero ang incoming National University-Sampaloc Grade 12 student na si Eliza Cuyom sa pag-upo sa trono ng Melting Pot of Cavite nang manalo rin ito ng apat na gintong medalya para mapili bilang Juniors Girl MVP at Fastest Junior Girl Athlete.
Ang kakampi nito na si Evangelene Caminong ay tumanggap sa titulo bilang Record Breaker of the Championships sa itinala na 1.71 meters sa high jump event ng heptathlon bagaman nagtapos lamang siya na may silver medal dito.
Nanalo naman siya ng ginto sa long jump.
Ikalawa sa DCAT sa juniors ang University of the Philippines na may 9-10-9 mula sa gayunding katayuan sa boys team sa 5-5-3 at sa girls team sa 4-5-6. Tersera sa jrs. ang Ateneo de Manila University na may 4-1-2 at sa girls sa 3-0-2, habang kumumpleto ang Mapua University sa mga pinarangalan bilang third sa boys sa kartadang 2-0-0. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.