SINIBAK sa puwesto ang 10 pulis sa San Rafael, Bulacan, matapos umanong kikilan ang mga taong kanilang inaresto.
Dahil dito, sinibak din sa puwesto ang kanilang hepe na si Supt. Rizalino Andaya, base sa doktrina ng command responsibility.
Inutos ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang pagsibak sa 10, na kinilala bilang sina Senior Insp. Wilfredo Dizon Jr., SPO4 Gary Santos, SPO2 Christopher Aragon, SPO1 Dante Castillo, SPO1 Jophey Cucal, SPO1 Rolando Ignacio Jr., PO3 Dennis De Vera, PO2 Rosauro Enrile, PO2 Nicanor Bautista, at PO2 Chester Say-eo.
Positibong kinilala ng mga complainant ang 10, na diumano’y humingi at tumanggap ng P50,000 kapalit ng pagpapalaya sa kanila matapos silang dakpin noong Mayo 19, ayon sa PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF).
Ayon naman kay Senior Supt. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan provincial police, nang araw na iyon ay nagsagawa ang 10 ng entrapment laban kay Virgilio De Leon para sa umano’y pagbebenta ng pekeng sigarilyo.
Sinabi ni De Leon sa pulisya na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang taong umorder ng tatlong kahon ng sigarilyo at nagpa-deliver sa Grace Park, Brgy. Tambubong, San Rafael.
Nang dumating sa naturang lugar ay pinigil at dinakip si De Leon ng 10 kataong sakay ng isang pulang Toyota Vios, itim na pick-up, at abuhing Montero.
Pawang mga naka-sibilyan, may mga baril, at nagpakilala bilang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group ang 10, ani Bersaluna.
Habang hawak si De Leon ay tinawagan ng 10 ang kinakasama niyang si Dorothy Sayo at pinapunta sa kinaroroonan ng lalaki.
Sa pagdating ni Sayo ay dinakip din siya at dinala kasama si De Leon sa San Rafael Police Station, kung saan humingi ang mga pulis ng P50,000, ani Bersaluna.
Dinisarmahan na at inilipat sa Provincial Personnel Holding Admin Unit ang 10 pulis at ang kanilang hepe habang iniimbestigahan para sa kasong kriminal at administratibo, aniya.
Nahaharap sa mga kasong kidnapping, robbery in band, at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Law ang 10 pulis na inakusahan nina De Leon, ayon sa CITF.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.