Ancajas tinalo si Sultan para mapanatili ang IBF crown
HINDI man lamang nadungisan bagaman may ilang mapupulang bahagi sa mukha si Jerwin Ancajas matapos matagumpay na maipagtanggol ang kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight title sa pinakaunang salpukan ng dalawang Pilipinong boxer makalipas ang 93 taon Linggo sa Save Mart Arena sa Fresno, California, USA.
Itinala ng kaliwete mula sa Panabo City subalit nakatira na sa Imus, Cavite na si Ancajas ang kumbinsidong panalo mula sa tatlong hurado na ang dalawa ay nagtala ng 119-109 iskor habang ang isa ay 117-111 para sa unanimous decision na panalo kontra sa kababayan na si Jonas Sultan.
Hindi lamang napanatili ni Ancajas ang kanyang IBF junior bantamweight title sa ikalimang sunod na pagtatanggol kontra mandatory challenger na si Sultan kundi napaganda pa nito ang kanyang kabuuang record sa 30 panalo, 1 talo at 1 draw na may 20 knockout.
Nahulog naman si Sultan sa 14 panalo at 4 talo na may 9 KOs.
Ang panalo sa unang salpukan para sa world title ng dalawang Pilipino ay nagbigay din kay Ancajas sa kabuuang 16 sunod na panalo sa 17 laban kung saan una nito na hindi napabagsak ang kalaban sa pangkampeonatong laban.
“Nagpapasalamat po ako ng marami at kapwa kami naging ligtas at maayos sa laban na ito,” sabi ni Ancajas, na dinomina ang laban kontra Sultan sa pamamagitan ng matutulis nitong jab.
“Napakaganda ng kanyang jab, may grace at talagang effective. Parang pinipinturahan lamang iyung mga suntok niya sa kalaban,” nasabi lang ng dating kampeon na si Gerry Peñalosa patungkol kay Ancajas.
Naputol naman ang limang sunod na panalo ni Sultan na ang huli ay kontra Johnriel Casimero.
Ang pangkampeonatong laban ay unang world title bout sa pagitan ng dalawang Pilipino sapul noong 1925 kung saan tinalo ni Pancho Villa si Clever Sencio para maipagtanggol ang kanyang world flyweight title sa Maynila.
Samantala, nagpakita ng husay din sa preliminary fight ang isa pang Pilipinong boxer na si John Vincent Moralde, na may 20-1 panalo-talong record at 10 KOs, sa pagtala rin ng unanimous decision na panalo kontra sa dating wala pang talo na si Ismail Muwendo (19-1, 12 KOs) ng Uganda sa kanilang walong round na junior lightweight fight.
Ang 24-anyos na mula Davao City na si Moralde ay nagtala muna ng knockdown sa una at ikalimang round sa pagpapatama nito ng left-hook counter bago pinigil ang atake sa mga huling round ni Muwendo.
Nakuha ni Moralde ang iskor na 77-73 sa dalawang hurado at 76-74 sa isa upang makabawi sa kanyang kabiguan sa nakalipas na laban kung saan nalasap nito ang seventh-round stoppage loss kontra Toka Kahn Clary sa kanyang unang sabak sa Estados Unidos noong Disyembre.
Posibleng sunod na makalaban ni Ancajas ang nagwagi rin bago ang tampok na labanan na si Kal Yafai (24-0, 15 KOs) na pinabagsak sa una rin ntiong pagsabak sa Estados Unidos ang nakalaban na si David Carmona.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.