DI bababa sa 16 katao ang sugatan nang mahulog sa kanal at tumagilid ang isang pampasaherong bus, sa bahagi ng Southern Tagalog Arterial Road (Star) Tollway na sakop ng Tanauan City, Batangas, Huwebes ng hapon.
Dinala sa ospital ang 57 sakay ng bus, at 16 sa kanila ang kinailangang manatili para lapatan ng lunas, sabi ni Chief Supt. Guuillermo Eleazar, direktor ng Calabarzon regional police.
Naganap ang insidente dakong ala-1:15, malapit sa Km. 67 ng northbound lane, sakop ng Brgy. Bagumbayan.
Minamaneho noon ni Joselito Nono ang Dela Rosa Liner bus, na may rutang Batangas-Alabang at maykargang 57 pasahero.
Iniwasan ni Nono ang isa pang sasakyan sa unahan, na bigla umanong nagbagal ng takbo, ngunit nawalan ng kontrol sa bus habang nagpe-preno, ani Eleazar, gamit bilang basehan ang inisyal na ulat sa kanyang tanggapan.
Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver para sa karagdagang imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending