Brazil unang kalaban ng PH sa FIBA 3×3 World Cup
MAKAKABANGGA agad ng Pilipinas ang delikadong koponan ng Brazil sa Pool C ng FIBA 3×3 World Cup 2018 na sisipa mula Hunyo 8 hanggang 12 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan base sa inilabas na iskedyul ng FIBA, ang world-governing body ng basketball.
Masusubok ang men’s division ng pambansang koponan sa ikalawang araw ng torneyo, Hunyo 9, kapag kanilang nakaharap ang Brazilians sa ganap na 3:10 ng hapon bago ang 6:40 ng gabing sagupaan laban sa Mongolia.
Binubuo nina Christian Standhardinger, Stanley Pringle, Roger Pogoy at Troy Rosario ang national team.
Magpapahinga sila ng isang araw para paghandaan ang laban sa Canada sa Hunyo 11 sa ganap na 4:50 ng hapon na susundan ng nakakapanabik na duwelo kontra sa Russia.
Bubuksan naman ng women’s team na nasa Pool D at kinabibilangan nina Jack Danielle Animam, Afril Bernardino, Gemma Miranda at Janine Pontejos ang ikalimang edisyon ng 3×3 World Cup sa Hunyo 8 sa pakikipagbuno sa Netherlands sa ganap na 2:50 ng hapon bago harapin ang Germany sa 6:40 ng gabi.
Kanilang sunod sasagupain ang Spain sa Hunyo 10 sa ganap na 4:20 ng hapon bago ang tagisan kontra Hungary alas-7 ng gabi.
Ang unang apat na araw ng kumpetisyon ay para sa pool play habang ang ikalima at huling araw ay nakalaan sa knockout round kung saan ang top two teams ng bawat bracket ay aabante sa round of eight o quarterfinal round.
Lalabanan ng top seed ng Group A ang second placer ng Group D at topseed ng Group D kontra second placer ng Group A. Gayundin ang magiging sistema sa pagitan ng Group B at C.
Aabante sa semifinals ang apat na matitirang matibay na koponan tungo sa kampeonato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.