Jodi, Robin, Richard ‘gamot’ ng mga OFW sa stress
SA umereng episode ng Sana Dalawa Ang Puso nitong Miyerkules, noon lang namin napanood na sobrang galit na galit ang karakter ni Richard Yap bilang si Martin nang malaman niyang hindi si Lisa (Jodi Sta. Maria) ang pakakasalan niya sa simbahan.
Kitang-kita ang pagkagulat ni Martin nang sabihin sa kanya ni Mona habang umiiyak na hindi siya si Lisa at gusto niyang magpaliwanag. Tinawag pa nga niya ang mga magulang na sina Pangs (Edgar Mortiz) at Mangs (Alma Moreno) para humingi ng tulong.
Sakto namang dumating si Lisa sa simbahan at sinabing walang kasalanan si Mona dahil siya ang nag-plano ng lahat para lang hindi matuloy ang merger ng mga negosyo ng magulang nila.
“I hired Mona to pretend to be me,” ito ang sinabi ni Lisa kaya galit na galit din ang ama niyang si Juancho (Christopher de Leon).
Sa episode naman ng SDAP nitong Huwebes, humingi na ng tawad si Lisa kay Martin pero hindi siya pinansin at agad na umalis ng simbahan.
Pinagsasampal naman si Lisa ng amang si Juancho dahil sa kahihiyang inabot nito sa publiko at sinabihang puntahan si Martin at magmakaawa para matuloy ang kasal.
Samantala, panay naman ang iyak ni Martin habang nasa sa kotse. Nag-abot sila ni Mona pero sinumbatan ng una ang huli dahil niloko siya bilang kaibigan.
Hayan, kaliwa’t kanang mensahe ang ipinadala sa amin ng mga sumusubaybay ng Sana Dalawa Ang Puso sa ibang bansa na sinasabing nalungkot sila na hindi natuloy ang kasal nina Martin at Mona.
Aminado ang TFC subscribers na dalawang beses nilang pinanonood ang serye nina Jodi, Richard at Robin Padilla dahil nakakakilig at nakaka-good vibes lang.
“Hindi nakaka-stress panoorin lalo na kung pagod ka galing work, siyempre good show ang gusto mong mapanood para bago matulog nakangiti ka,” sabi ng mga isang nakausap naming TFC subscriber.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.