Pag-aalis ng deployment ban sa kuwait, di kasama sa kasunduan
NGAYONg araw, Mayo 11, opisyal nang lalagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Nagkasundo na nga ang magkabilang panig upang bigyan ng proteksyon ang ating mga OFWs matapos ang pansamantalang pagkakaunsiyami nito dahil sa ginawang rescue operations ng kinatawan ng embahada at ilang Pinoy drivers na ginamit sa naturang pagsaklolo.
Nasa Kuwait ngayon sina Labor Secretary Silvestre Bello III at ang Presidential Spokesperson na si Harry Roque upang makipagpulong sa mga opisyal ng Ministry of Interior, Ministry of Social Affairs at Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait.
Sa kabila ng katatapos na tensiyong kinaharap ng dalawang bansa, sinabi ni Roque na nagpahayag ‘anya ang Kuwait na pinahahalagahan nila ang mga Pilipino sa kanilang bansa.
Ito rin ang nagtulak sa kanila upang paglaanan ng special unit ng mga pulis na siyang tatakbuhan at magiging sumbungan ng mga Pinoy doon 24/7.
Sa kasalukuyan, tuloy tuloy pa rin ang pagpapauwi sa mga natitira pang undocumented na mga kababayan natin at may bilang na 150 ang makakasabay pa ng mga opisyal ng Pilipinas sa kanilang pagbabalik sa bansa.
Nilinaw din ng Kuwaiti government na hindi papayagang makauwi yaong may mga nakabinbin pang mga kasong kinakaharap doon. .
Kumusta naman yaong mga kababayan nating nakasuhan at nakasama sa rescue operations?
Gayong ayon sa ulat, pumayag na rin ang pamahalaan ng Kuwait na palayain na ang mga nagsilbing drivers sa naturang operasyon.
Kapuna-puna lang na tahimik ang pamahalaan sa unang napabalitang tatlong (3) opisyal na nahaharap sa kasong kidnapping. Hindi rin sila pinangalanan sa publiko at umaasa tayong tahimik na pinag-uusapan din ang problemang ito na kasalukuyang nagaganap sa pagitan ng dalawang bansa.
Para sa Bantay OCW hindi naman kawalan ang Kuwait, kahit pa tuluyan nang hindi na nga magpadala ng mga OFW doon. Kung maaari nga sanang huwag na talagang pumayag ang bansa na magpadala pa ng mga domestic helpers doon.
Kaya nga lamang, may mga kababayan na rin tayong matagal nang nagtatrabaho doon at pawang mga residente na.
Hindi rin pareho ng problemang kinakaharap ang mga professional workers natin kung ikukumpara sa mga nagtatrabaho sa loob ng mga tahanan ng kanilang employers, na pawang mga kababaihan.
Sa bandang huli, palagi namang may mapagpipilian, kung gugustuhin lamang ng ating mga kababayan.
Wala namang pumipigil sa kanilang mag-abroad, kaya lang puwede namang piliin ang mga bansang pupuntahan kung saan hindi manganganib ang kanilang mga buhay.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.