F2 Logistics Cargo Movers, Petron Blaze Spikers agawan sa titulo
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6 p.m. F2 Logistics vs Petron
(Game 3, best-of-3 Finals)
ISA lamang ang mag-uuwi ng korona sa pagitan ng nagtatanggol na kampeong F2 Logistics Cargo Movers at Petron Blaze Spikers sa winner-take-all na Game 3 ng 2018 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Huling itinulak ng F2 Logistics sa matira-matibay na ikatlo at huling laro ng pangkampeonatong serye matapos nitong biguin sa Game 2 ang Petron sa straight sets, 25-17, 25-22, 25-19, para itabla ang serye sa tig-isang panalo.
Nagpakita ng husay ang Venezuelan na si Maria Jose Perez bagaman mas nasandigan ng Cargo Movers ang buo nitong depensa at tatag sa laro na nagtulak sa koponan upang itabla ang serye ng premyadong women’s club volleyball league sa bansa.
Ipinamalas ng kasalukuyang Most Valuable Player na si Perez ang katatagan sa kampeonato sa pagtala ng 17 kills at tatlong block para sa kabuuang 20 puntos habang nagdagdag sina Ara Galang at Aby Maraño ng kabuuang 11 at siyam na puntos para sa Cargo Movers upang makabawi sa nalasap nitong kabiguan sa limang set sa Game 1.
“This time, we’re more mentally prepared,” sabi ni F2 Logistics interim coach Arnold Laniog, na inaasahang mas lalo pang tutulungan ng nagbabalik na si Ramil de Jesus. “It’s supposed to be our last game – a do-or-die game for us. We don’t want to end our conference like this so we worked hard to get this victory.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.