F2 Logistics Cargo Movers, Petron Blaze Spikers magkakasubukan
Mga Laro Huwebes (Agosto 8)
(FilOil Flying V Centre)
4:15 p.m. F2 Logistics vs Petron
7 p.m. Generika-Ayala vs PLDT
Team Standings: F2 Logistics (11-0); Petron (11-1); Generika-Ayala (8-5); Foton (7-5); Cignal (7-6); PLDT (4-8); Sta. Lucia (2-12); Marinerang Pilipina (0-13)
MULING mabubuhay ang matinding karibalan sa pagitan ng F2 Logistics Cargo Movers at Petron Blaze Spikers sa kanilang 2019 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference ngayong Huwebes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Magsasalpukan dakong alas-4:15 ng hapon ang nangunguna at walang pang talo na Cargo Movers at Blaze Spikers, na nasa ikalawang puwesto sa team standings, sa laro na inaasahang magiging matindi at puno ng aksyon.
Hangad naman ng Generika-Ayala Lifesavers na mahigpitan ang kapit sa ikatlong puwesto sa pagsagupa nila sa PLDT Home Fibr Hitters ganap na alas-7 ng gabi na laro sa prestihiyosong women’s club tournament na suportado ng Team Rebel Sports, SOGO, Eurotel, PCSO, Cocolife, UCPB Gen, Mueller, Senoh, Asics, Bizooku at One Sport.
Magmula nang makuha si Filipino-American Kalei Mau, nagwagi ang Cargo Movers ng 11 diretsong laro para okupahan ang No. 1 spot sa team standings papasok sa krusyal na bahagi ng preliminary round ng torneo.
Ang Blaze Spikers ay nanalo naman sa 10 sa kanilang unang 11 laro kung saan ang tanging kabiguan nila ay sa kamay ng Cargo Movers, sa engkuwentro ng dalawang koponan na pinagtatalunan ang korona sa All-Filipino conference sa nakalipas na tatlong taon.
Muli namang sasandalan ni Petron coach Shaq Delos Santos sina Mika Reyes, Frances Molina, Denden Lazaro, Sisi Rondina atd Rhea Dimaculangan para ihatid ang koponan sa panalo.
Maliban sa power-hitter na si Mau, sasandigan ni F2 Logistics mentor Ramil de Jesus sina Ara Galang, Majoy Baron, Aby Maraño at Dawn Macandili para lumapit ang Cargo Movers sa pagwalis ng kanilang mga laro sa preliminaries.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.