MAGSISIMULA na bukas ang finals sa UAAP women’s volleyball at tulad ng inaasahan nakuha ng defending champion De La Salle University ang Finals slot matapos talunin sa straight sets ang National University.
Pero hindi ang karibal na Ateneo ang makakalaban ng La Salle sa finals kundi ang Far Eastern University.
Ito ay matapos naman sipain ng FEU ang Ateneo sa kanilang semifinals duel.
At maghaharap nga ang La Salle at FEU sa best-of-three series umpisa bukas at hindi ako magugulat kung muling mamayani ang DLSU kahit magpustahan pa tayo ng limang piso.
‘Yung last four finals matchup kasi sa UAAP women’s volleyball ay Ateneo-La Salle at pinaghatian ng dalawang team ang championship.
Kinuha ng Ateneo, starring Alyssa Valdez, ang Season 76 at 77 samantalang itong last two years ay sa La Salle naman napunta ang korona.
Ngunit mayroong interesting sidelight sa UAAP ngayon.
First, matapos ang limang taon ng pangangampanya sa UAAP bilang top player ng NU ay mamamaalam na si Jaja Santiago. Bagaman kinikilala siya bilang isa sa pinakamagaling na volleyball player sa bansa ay highly disappointed si Jaja dahil hindi niya nabigyan ng korona ang NU.
Pero ang mas matinding balita na hindi ko actually ikinagulat ay ‘yung pamamaalam din sa UAAP ng Thai coach ng Ateneo na si Tai Bundit na giniya ang Ateneo sa dalawang kampeonato at dalawang runner-up finish sa limang taon niya bilang coach.
Sino ba naman kasing volleyball fan ang hindi kilala si Tai na naging sikat sa kanyang on-court dance moves at mga high five greetings. Hindi man siya magaling mag-English, nai-communicate naman niya ang mga nais niyang sabihin sa kanyang mga player.
Nag-end ang contract niya sa Ateneo sa pagtatapos ng kampanya ng paaralan sa UAAP at sinabi na niya na hindi na siya babalik next season, na maari ring sabihin na hindi na kasi siya kukunin muli ng Ateneo. Pero makikita pa rin siya ng local fans sa Premier Volleyball League kung saan coach siya ng Creamline.
Nalaman ko na noon pa kay Fritz Gaston, dating PBA player na kumpare ko at may dalawang anak na babae na naglaro sa Ateneo, na maraming parents ang ayaw kay Tai. Ito ay dahil hindi nagagamit ang mga anak nila sa actual games samantalang grabe magpa-ensayo si coach sa team at may ilang players din na hindi nakatagal sa sistema ni Tai.
Sabi nga ni Fritz, na isa ring dating coach, si Tai ay palalaruin lamang ang starters niya at ilang players pero ‘yun na ‘yun. Ang reserve players ay nanatiling reserve players lamang. Pero sabi ko nga kay Fritz nang nagkuwentuhan kami noon sa isang PSL game kung saan naglaro rin ang isa niyang anak, mahirap din makipagtalo sa sistema ng coach kung ito ay nananalo.
Kasi naman, ang coach lang talaga ang tao na may control sa team at ang bagay na hinahabol ng kahit sinong player ay ang playing time sa loob ng court o field, at kung sa Ateneo ka nga naglalaro noon, either tanggapin mo ang sistema ni Tai o quit ka sa team. Kaya nga maraming disappointed sa parents ng reserve players ni Tai at bago nga magsimula ang season na ito, muntik nang mapaaga ang pag-alis ni Tai sa Ateneo. Nahilot lang daw ‘yung growing gap sa pagitan ni Tai at ng ilang mga player sa team.
Pero kahit saang laro naman, may sariling diskarte ang coach at nasa player ang pag-adjust sa coach, more than the coach sa player. Ang eskwela naman kung kasali sa collegiate league ay bibigyan timbang ang resulta ng istilo ni coach, nananalo ba o parati pa ring talo. Sa kaso ni Tai, tumagal siya dahil nag-deliver siya ng championships sa Ateneo at kung ‘yung mga player na naglaro sa kanya sa first two years ang tatanungin natin, malamang ay maganda ang sasabihin nila kay Tai.
Depende nga kasi sa player paano niya i-handle ‘yung sistema ng coach niya.
Anyway, good luck kay Tai dahil nagbigay din siya ng memorable moments sa UAAP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.