Bus, trak nakanal, nagliyab sa SCTEX; 3 patay, 22 sugatan
TATLO katao ang nasawi at aabot sa 22 ang nasugatan nang mahulog sa kanal at magliyab ang isang pampasaherong bus at isang trak, sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na sakop ng Concepcion, Tarlac, bago maghatinggabi Martes.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawi, na pawang mga nasunog sa loob ng bus, sabi ni Supt. Fe Greñas, tagapagsalita ng Central Luzon regional police.
Itinakbo sa iba-ibang pagamutan ang driver ng Five Star bus (UYD-943) na si Rolando Untalan at di bababa sa 20 niyang pasahero.
Kabilang sa mga sugatang pasahero ang 17-anyos na si Andrea Rose Policarpio, residente ng Marikina City at 5-buwang buntis, at si Tristan Tibonsay, 12, ng Urdaneta City, Pangasinan, ayon sa pulisya.
Dinala din sa pagamutan ang driver ng Fuso truck (RHD-831) na si Emmanuel Retardo, 46, at pahinante niyang si Victor Ayen, 40.
Naganap ang insidente sa bahagi ng SCTEX na nasa Brgy. Sto. Niño, dakong alas-11:50 at naiulat sa lokal na pulisya pasado alas-12.
Minamaneho ni Untalan ang bus pa-hilaga, nang mabundol ang likod ng trak na dala ni Retardo.
Dahil sa impact ay nagliyab ang dalawang sasakyan at kapwa nahulog sa kanal ng highway, ani Greñas.
Inaalam pa ang sanhi ng insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.