Park Hyung Sik, Jang Dong Gun bibida sa Korean version ng ‘Suits’
IPALALABAS na sa Abril 25 ang bagong Korean drama ng Korean actor na si Park Hyung Sik. Ito ang Suits kung saan makakasama niya ang isa sa mga magagaling at beteranong aktor sa Korea na si Jang Dong Gun.
Huling napanood si Hyung Sik sa Strong Woman Do Bong Soon kung saan nakasama naman niya ang aktres na si Park Bo Young.
Dumalaw na rin si Hyung Sik sa Pilipinas kung saan nagkaroon siya ng fan meeting sa KIA Theatre noong Nobyembre, 2017.
Ang Suits ay isang Korean remake ng American legal drama series na Suits na tumatalakay sa buhay ng mga magagaling at palabang abogado.
Bukod sa Strong Woman Do Bong Soon, napanood din si Hyung Sik sa Hwarang: The Poet Warrior Youth at High Society.
q q q
Sabay namang nag-audition para sa military musical sina Ji Chang Wook at Kang Ha Neul na kapwa nasa loob ng military ngayon para sa mandatory 2-year training.
Ayon sa ulat, nagpalabas ang Ministry of National Defense ng pahayag na magsasagawa ng audition para sa mga sundalo.
Sabay na nagpunta ang dalawa sa audition ng musical na “Shinheung Military Academy,” bagamat wala pang final na resulta kung nakapasa sina Chang Wook at Ha Neul.
Nakatakdang ipalabas ang “Shinheung Military Academy” sa Setyembre sa National Museum of Korea kung saan 20 beses itong itatanghal.
Dati nang nagkasama sina Chang Wook at Ha Neul sa musical na “Thrill Me” noong 2010.
Matatandaang nakilala nang husto si Chang Wook sa kanyang pagganap sa period K-Drama series na Empress Ki. Bukod pa rito, bumida rin si Chang Wook sa Healer, K2, Suspicious Partner at sa pelikulang “Fabricated City” na ipinalabas din dito sa Pilipinas.
Bukod sa Scarlet, kabilang naman sa Korean drama na nakasama si Ha Neul ay ang The Heirs at ang pelikulang “Midnight Runners” kung saan bida rin ang Korean superstar na si Park Seo Joon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.