Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Sen. Jinggoy Estrada na makapunta sa Estados Unidos mula Abril 30 hanggang Mayo 30. Si Estrada ay guest speaker sa US Pinoys For Good Governance para sa taunang general membership meeting na isasagawa sa Mayo 20 sa Hibachi Buffet, Sterling Heights, Michigan. Isinama ni Estrada sa kanyang mosyon ang sulat ni USP4GG president William Dechavez kung saan sinabi na nais nilang malaman ang mga kaganapan sa bansa kaugnay ng mga isyu gaya ng extrajudicial killings, Dengvaxia at planong federalism. “We know that you are in the thick of all these developments, and we are certain you can discuss the said issues thoroughly and accurately,” saad ng sulat ni Dechavez kay Estrada na may petsang Pebrero 7. Chairman ng USP4GG ang philanthropist Loida Nicolas Lewis na inakusahan ni Pangulong Duterte na nagpopondo ng destabilization plot laban sa kanya kasabwat umano ang International Criminal Court. Sinabi in Estrada na sasamantalahin din niya ang pagkakataon upang matupad ang kanyang pangakong family trip. Kasama niya sa biyahe ang misis na si Precy at mga anak na sina Julian, Jolo, Jill at Janella na vice mayor ng San Juan. Noong Setyembre 2017 ay pinayagan si Estrada na makapagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng P183.8 milyong pork barrel fund scam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.