Joshua umamin: Mas komportableng ka-loveteam si Julia kesa kay Loisa
INAMIN ng Kapamilya young actor na si Joshua Garcia na mas komportable pa rin siyang katrabaho bilang ka-loveteam si Julia Barretto kesa kay Loisa Andalio.
Sa finale presscon ng primetime series ng ABS-CBN na The Good Son nakachika ng ilang members ng entertainment press si Joshua at dito nga namin siya tinanong tungkol sa dalawang leading niya sa telebisyon at pelikula.
Si Julia ang laging katambal ng binata sa mga ginagawa niyang pelikula habang si Loisa naman ang leading lady niya sa seryeng The Good Son na tanggap na tanggap din ng mga manonood.
“Bilang magka-loveteam? Mas kumportable pa rin po ako kay Julia. Yes po, siguro may kinalaman din ‘yun (espesyal nilang relasyon). Mas gamay na kasi naming dalawa dahil marami na kaming pinagsamahan. Kasi siyempre mas kinikilala ko siya eh, so mas interesado ako sa kanya,” ani Joshua.
Kanino naman siya mas natsa-challenge bilang ka-partner? “Parang parehas lang kasi parehas naman silang magaling, parehas silang professional at may mga natututunan din ako sa kanilang dalawa.”
Tinuldukan din ng binata ang matagal nang isyu sa kanila ni Loisa na kesyo nagpaplastikan lang sila sa set ng The Good Son dahil ang totoo raw ay hindi pa rin sila nagkakaayos dahil sa personal nilang “away” noon.
Ani Joshua, maayos ang relasyon nila ni Loisa at magkaibigan pa rin sila. Wala raw bahid ng katotohanan ang paratang ng ilang bashers na plastik sila sa isa’t isa. Ayon naman kay Loisa, nagsusuportahan sila ni Joshua ngayon sa kani-kanilang career at mas gumanda pa ang working relationship dahil sa TGS.
q q q
Samantala, speaking of The Good Son, mababasag na ang lahat ng teorya at haka-haka dahil lalabas na ang shocking secret nina Joseph (Joshua), Obet (McCoy de Leon), Calvin (Nash Aguas) at Enzo (Jerome Ponce) sa nalalapit na pagtatapos ng top-rating Kapamilya primetime series na The Good Son.
Nakatakdang magbago ang lahat ng nalalaman ng mga manonood dahil sa darating na Biyernes, isang malaking pasabog ang magtuturo sa kung sino sa apat na anak ang tunay na pumatay kay Victor (Albert Martinez).
Ngayon ngang nalalapit na ang pagwawakas ng serye, kanya-kanya nang hula ang mga tagasubaybay sa katauhan ng kumitil sa haligi ng mga Buenavidez. Ilang pangalan na rin ang lumutang ngunit nananatili pa ring palaisipan ang kaso ni Victor na sumira sa buhay ng dalawang pamilya at apat na anak na kanyang iniwan.
Unang sumalang sa imbestigasyon si Joseph, na ang itinuturong motibo sa pagpatay sa ama ay ang lubos niyang hinagpis sa pang-aabandona nito sa kanila ng kanyang inang si Raquel (Mylene Dizon).
Sunod namang naging suspek si Enzo matapos ang matinding pagtatalo nila ni Victor na nauwi pa sa pisikalan nang parusahan siya nito sa matinding gulong ginawa sa paaralan.
Isa naman sa mga pinakatumatak na eksena sa serye ay ang imbestigasyon kay Calvin, na kalaunan ay nakumpirmang mayroong schizophrenia at sinasabing ang mga boses sa kanyang isip ang nagtulak sa kanya para lasunin si Victor.
Hindi rin naman nakaligtas sa imbestigasyon si Obet, na ang sinasabing motibo sa krimen ay ang patuloy na pananakit ni Victor nang paulit-ulit sa kanilang ina ni Joseph.
Ngunit hindi pa natatapos ang laban ng apat na anak para mapatunayang wala silang sala, at kaakibat nito ang malalaking rebelasyon na hindi dapat palampasin ng mga manonood.
Mula nang umere ang serye noong Setyembre, 2017, sinubaybayan na ng mga manonod ang maiinit na relebasyon ng The Good Son na pumupuno ng misteryo sa bawat gabi. Bukod naman sa kwento nito, pinag-usapan din ang mahusay na pagganap ng mga bida ng serye, lalo na nina Joshua, Nash, Jerome at McCoy.
Dahil nga sa naiibang takbo ng istorya nito, patuloy din ang pagwawagi ng The Good Son sa national TV ratings at nagkamit na nga ng all-time high na 21%, ayon sa datos ng Kantar Media. Trending din ang gabi-gabing misteryo nito na umaani ng libo-libong tweets sa netizens.
Tutukan ang napakalaking pasabog ng The Good Son sa nalalapit nitong pagtatapos sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.