Barangay Ginebra Gin Kings reresbak sa Game 3 vs San Miguel Beermen
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. San Miguel Beer vs Barangay Ginebra (Game 3, best-of-7 semifinals)
HUHUGOT ng mahika sa kanyang baul si Barangay Ginebra Gin Kings head coach Tim Cone ngayong gabi upang mapigilan ang dalawang sunod na kabiguan kontra three-time defending champion San Miguel Beermen sa Game Three ng kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Iiwasan ng Gin Kings mabaon sa 0-3 kontra sa Beermen na nagawang itakas ang ikalawang panalo sa serye sa overtime nitong Linggo, 104-102.
Nagpamalas naman ng gilas ang Gin Kings sa Game Two subalit inagaw ng Beermen ang panalo at ang 2-0 lead.
“Isa lang masasabi ko eto eh tsamba,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria. “Kung hindi nai-shoot ni Arwind ‘yung three-point shot, 1-1 na ang series. Dahil naging 2-0, malaking morale-booster ito sa amin.”
Itinulak ni Santos sa ekstrang limang minuto ang laro sa isang tres may 13.4 segundo pa sa regulasyon bago pinamunuan ni Lassiter sa huling 50 segundo sa overtime nang gumawa siya ng anim na sunod na puntos para masiguro ang panalo para sa Beermen.
Kinapitan ng Ginebra ang kalamangan sa halos kabuuan ng laro bago na lamang napunta kay Santos ang bola na agad nitong inihagis upang itabla ang iskor sa 95-all.
Hindi naman naipasok ni Joe Devance ang atake nito sa ring pati na rin ang follow-up ni Scottie Thompson para manatiling tabla ang iskor at magkaroon ng overtime.
Inaasahan na tuluyan nang paglalaruin ni Cone ang 7-foot-1 nitong sentro na si Slaughter upang matulungan sina Japeth Aguilar na nagtala ng kabuuang 28 puntos pati na rin ang nakuha nitong free agent na si Prince Caperal na agad naghulog ng 26 puntos sa unang paglalaro sa Gin Kings.
Magnolia-NLEX, 1-all
Kagabi sa Mall of Asia Arena, tinambakan ng Magnolia Hotshots ang NLEX Road Warriors, 99-84, para itabla ang kanilang best-of-seven series sa 1-all.
Nagbida para sa Magnolia si Paul Lee na may 27 puntos sa laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.