MALINAW na kaso ng pagpapabaya ang ginawa ng recruitment agency ni Joanna Demafelis, ang OFW na natagpuang bangkay sa loob ng freezer sa bansang Kuwait. Hindi sila seryosong naghanap sa ating OFW, na dapat sana’y tinutukan nila ang tahanan ng mga employers ni Demafelis.
Maaaring hindi naman nagkulang sa paghahanap ang mga kapamilya nito nang hindi na kumokontak sa kanila si Joanna. O di kaya’t tuluyan nang nawalan ng komunikasyon ang pamilya sa OFW.
Maraming kaso ng mga nawawalang OFW ang hindi naman talaga napagtutuunan ng pansin ng mga responsable rito. Una ang kanilang recruitment agency, sumunod ang mga ahensiya ng gobyerno na siyang dapat nangangalaga sa ating mga OFW at ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas saan man sa mundo.
Madaling sabihin kasi na tumakas ang OFW sa kanyang amo, na basta na lamang umalis ito ng bahay. Ito ang pinakamadaling dahilan upang hindi na pagkaabalahan pang hanapin ang nawawalang OFW.
Madalas pa nga kapag nagre-report ang mga kapamilya sa recruitment agency ng OFW, galit pa ang mga ito sa kanila.
Sasabihin nilang ayaw lang talagang magparamdam ng OFW sa kanila dahil hindi pa umano sumusuweldo ang mga iyon at wala pang ipadadala sa kanila. Na ipinamumukha sa kanilang pera lang ang habol nila kaya hinahanap ang kapamilya.
Kapag nagpupumilit na ang mga kaanak, at kukulitin ang agency at aaraw-arawin ang mga ito, sila pa ang pagagalitan at sasabihing huwag nilang kulitin ang kaanak na OFW dahil nagtatrabaho ang mga iyon sa abroad at nagagalit ang mga amo kapag nakikipag-usap ang kanilang mga katulong sa mga kaanak nito.
Iyan ang madalas na dahilan ng mga agency kapag naghahanap na ang mga ito sa kanilang mga kamag-anak. Kaya sa bandang huli, titigil na sila sa kahahanap at aasa na lamang na isang araw, tatawag ang OFW sa kanila o di kaya’y basta na lamang susulpot at uuwi ito ng Pilipinas.
Ibang klase din kasi ang ilan nating OFW. Tulad na lamang minsan, isang opisyal ng Malacanang pa ang nilapitan ng pamilya ng OFW at nagsumbong dito na matagal nang nawawala ang kanilang kaanak, wala na umano silang komunikasyon dito. Inilapit naman ng naturang opisyal ang kasong ito sa Bantay OCW.
Mabilis kaming tumugon sa pamamagitan na agad na pakikipag-ugnayan sa ating embahada ng Pilipinas kung saan naroroon ang ating kabayan. Makalipas lamang ang dalawang araw, ipinaalam nila sa Bantay OCW na natagpuan na nila ang nawawalang OFW.
Ngunit ang matindi, nakiusap ang OFW na huwag nang ipaalam sa kapamilya na natagpuan siya ng embahada dahil sinasadya niya talagang hindi kumontak sa kapamilya dahil puro hingi at padala lang ng pera umano ang naririnig niya sa mga iyon.
Ito ang masakit din naman na katotohanan sa panig ng mga nagtatagong OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.