Sharlene tatakbo bilang Marathon Queen sa ‘MMK’
SIGURADONG babaha na naman ng luha ngayong gabi dahil isa na namang madrama ngunit inspiring na kuwento ang mapapanood sa longest-running drama anthology sa Asia, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Bibida rito ang Kapamilya teen star na si Sharlene San Pedro na gaganap bilang si Mary Joy, isang Cebuana na ginawa ang lahat para matupad ang kanyang pangarap na maging champion Marathon Runner at makatulong sa kanyang pamilya.
Bata pa lang si Mary Joy ay mahilig na siyang tumakbom, sa katunayan, palagi siyang hinahamon ng kanyang amang pulis na si Rolando na patunayan ang kanyang bilis sa pamamagitan ng pagbili ng kung anu-ano sa sari-sari store. Habang lumilipas ang panahon, mas nagiging close ang mag-ama dahil sa hilig ni Mary Joy sa marathon. Ngunit mababago ang takbo ng kanilang buhay nang iwan sila ng kanyang ina na naging dahilan para maglasing nang maglasing ang kanyang tatay. Dahil dito, nagtanin ng galit ang dalagita sa kanyang nanay.
Nang dapuan ng matinding sakit ang kanyang kapatid, doon na lang natauhan ang kanyang ama at muling nagsikap para mabuhay sila nang maayos kahit na wala ang kanilang nanay.
Sa paglipas ng mga taon, nakilala si Mary Joy bilang magaling na runner at ginamit niya ito para makatapos ng college. Sa katunayan, siya lang ang nakapagtala ng fastest record sa National Marathon at binansagan pang Marathon Queen. Siya rin ang tinanghal na First Filipina Olympic Marathon Runner.
Ngunit habang tinatamasa ang kanyang tagumpay, may panibagong pagsubok palang haharapin ang dalaga – ang pagkakasakit ng kanyang ama dahil sa pneumonia. Ilang oras bago ang ikalimang beses na pagdepensa niya bilang Milo Marathon Queen, pumanaw si Mang Rolando.
Paano ito tatanggapin ni Mary Joy? Makatakbo pa kaya siya at maabot ang minimithing “finish line”? At paano kung biglang mapakita ang inang nagpabaya sa kanila ng maraming taon?
Makakasama rin nina Dominic at Sharlene sa MMK episode na ito sina Ashley Sarmiento as young Joy, Katya Santos, Celine Lim, Faye Alhambra at Ced Torrecarion, sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat ni Akeem del Rosario.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.