Lampas 10,000 nagkasakit sa gitna ng pag-aalburuto ng Mayon
John Roson - Bandera February 22, 2018 - 03:56 PM
Umabot na sa 10,279 katao ang dinapuan ng sakit sa gitna ng patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano sa Albay, ayon sa mga awtoridad.
Mula nang mag-umpisa ang pag-aalburuto ng bukan noong Enero 15 ay 6,850 ang nagpakonsulta dahil sa acute respiratory infection, ayon sa datos mula sa Office of Civil Defense-Bicol.
Sumunod namang pinakamarami ang 1,363 na nilagnat, 715 na dumanas ng altapresyon, 603 na dumanas ng diarrhea o pagtatae, at 453 ang nagtamo ng pasa’t sugat, ayon sa OCD.
Mayroon pang 16,240 pamilya o 62,086 katao sa mga evacuation center, habang 5,627 katao ang nakikisilong sa mga kaaanak o temporary shelters.
Umabot na sa 72,166 mag-aaral ang apektado dahil 920 classroom sa 53 paaralan ang ginagamit bilang evacuation center, habang may 65 paaralan ang nasa loob ng 6 to 7-kilometer danger zone, ayon sa OCD.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending