Blackwater Elite palaban pa sa quarterfinals spot
Laro Pebrero 17
(Batangas City Coliseum)
5 p.m. Alaska vs San Miguel Beer
Mga Laro Pebrero 18
(Philippine Arena)
4:30 p.m. NLEX vs Blackwater
6:45 p.m. Meralco vs Barangay Ginebra
PINASIKIP ng Blackwater Elite ang labanan para sa kailangang walong puwesto sa labanan sa quarterfinals matapos nitong itala ang 95-76 panalo sa tuluyang napatalsik na Kia Picanto sa krusyal na bahagi ng elimination round ng 2018 PBA Philippine Cup Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sinandigan ng Blackwater ang dalawang sunod na tres ni Michael Vincent Digregorio at isa kay Allein Maliksi sa simula ng ikatlong yugto upang kontrolin ang unang naging pisikal at mahigpitan na labanan tungo sa pagtala ng ikaapat nitong panalo sa kabuuang siyam na laro.
Kinapitan muna ng Elite ang anim na puntos na 47-41 abante sa pagtatapos ng unang hati bago dalawang sunod na tres ni Digregorio para itala ang 56-43 abante bago nagpalitan sina Maliksi at Ronald Tubid ng Kia para sa 56-46 iskor.
Huli pang nagbanta ang Picanto sa isa pang tres mula kay Rashawn McCarthy para sa 49-56 iskor bago na naghulog ng 21-9 bomba ang Elite tungo sa pagtala nito ng 77-58 abante at dagdagan ang ikaapat na sunod at kabuuang ikawalong kabiguan sa Kia.
Pinamunuan ni Digregorio ang Elite sa kinolekta nitong 21 puntos, 3 rebound, 3 assist at 1 steal habang nagdagdag si John Paul Erram ng 17 puntos, 14 rebounds, 3 assist at 1 block. Nakatipon naman si Maliksi ng 14 puntos, 6 rebound, 3 assist at 1 steal.
Nagawa pang itala ng Blackwater ang pinakamalaki nitong abante sa 26 puntos sa ikaapat na yugto sa 94-68, may 2:05 pa sa laro bago nito tuluyang inangkin ang panalo na naglagay dito sa pakikisalo sa delikadong ikawalong silya kasama ang Phoenix Fuel Masters.
“We badly needed this win and we come out in the third period to take the victory. Nasa mga kamay pa rin namin ngayon kung makukuha namin ang ikawalong puwesto o mas maganda pang silya,” sabi lamang ni Blackwater Elite coach Leo Isaac.
Samantala, tutumbukin ng San Miguel Beermen ang ikapitong panalo sa pagsagupa nito sa Alaska Aces sa kanilang PBA out-of-town game ngayong Sabado sa Batangas City Coliseum.
Patuloy na sasandigan ni San Miguel Beer coach Leo Austria sina four-time season Most Valuable Player na si June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross para mahablot ang ikapitong panalo at masiguro ang top spot sa quarterfinal round.
Aasahan naman ni Alaska mentor Alex Compton sina Jeron Teng, Calvin Abueva, Vic Manuel, Carl Bryan Curz at JVee Casio para masungkit ng koponan ang ikapitong panalo at makisalong muli sa itaas.
Manggagaling ang Beermen sa 106-96 pagkatalo sa Elite habang naputol naman ang six-game winning streak ng Aces matapos biguin ng NLEX Road Warriors, 96-89.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.