Clique V boyband bawal pang magkadyowa, career muna
BAWAL munang magkaroon ng lovelife ang mga miyembro ng bagong boyband na Clique V na binubuo ng pitong fresh at nagguguwapuhang bagets na pinag-isa ng kanilang passion sa music.
Sariling desisyon ng grupo na huwag munang magkadyowa para mas makapag-concentrate sila sa kanilang career, lalo na ngayong nagsisimula pa lang silang makilala.
Gusto rin nilang ipakita sa kanilang mga manager na sina Len Carrillo at Kathy Obispo ng 3:16 Events & Talent Management Company na desidido silang sumikat at karirin ang kanilang pagkanta at pagpe-perform para sa madlang pipol.
Ngunit loveless man ang mga miyembro ng Clique V na binubuo nina Karl, Marco, Clay, Tim, Josh, Sean at Rocky, ay ramdam na ramdam pa rin nila ang pagmamahal ngayong love month.
Nauna nang nagpasabog ng good vibes at pag-ibig ang grupo sa launching ng kanilang debut album recently kung saan kinanta nila ang kanilang carrier single na “Pwede Ba, Teka Muna” na isinulat ng award-winning director na si Joven Tan.
Ang ilan pa sa mga song na nakapaloob sa Clique V album ay ang “Ako Na Lang Sana”, “Bakit Hindi”, “Magmula Ngayon”, “Mabuti Na Lang” at “Sana Naman”.
Matapos ang kanilang presscon ay dumiretso na agad sa iba’t ibang radio station ang mga bagets bilang bahagi pa rin ng promo ng kanilang album.
Bukod dito, araw-araw na rin ang rehearsal ng Clique V bilang paghahanda sa una nilang major concert na magaganap sa Feb. 27 sa Music Museum. Siyempre, may mga makakasama rin silang special guests sa kanilang show na mas lalong magpapainit sa mga gagawin nilang production numbers.
Pahayag ng Clique V, dream come true para sa kanila ang makapa-perform sa harap ng kanilang mga supporters, “Sa album po, they can listen to our songs na puro original and sa concert naman po mag-i-enjoy sila kasi hahataw naman kami sa sayaw ang siyempre kakanta rin nang live,” pahayag ni Karl.
Apat na buwan pa lang sa industriya ng musika ang Clique V ngunit marami na rin silang achievements kabilang na riyan ang Gawad Musika 2017 Awardee bilang Outstanding Boy Band sa 37th Year Ender Top Consumers Choice Awards na ginanap Disyembre noong nakaraang taon.
Wagi rin ang grupo sa Gawad Musika 2017 bilang Outstanding Boy Band sa 37th Year Ender Top Consumers Choice Awards.
Pagkatapos i-release ang kanilang Christmas single na “Tuwing Pasko,” nagtuluy-tuloy na ang swerte ng mga bagets, patuloy na pinanonood at pinag-uusapan ang kanilang MTV at mas dumarami pa ang kanilang mga supporter.
“They are the total package. Puwede silang kumanta, sumayaw, at umarte. Hindi limited ang kanilang talento,” pagmamalaki pa ng kanilang manager na si Len.
q q q
Umiiyak habang ikinukuwento ng magaling na kontrabidang aktres na si Gladys Reyes kung paano niya nalampasan ang isang matinding pagsubok noong ipinagbubuntis niya ang isa sa mga anak nila ni Christopher Roxas.
Sa guesting niya sa Magandang Buhay, hindi niya napigilan ang mapaluha nang ibahagi sa viewers kung paano nasolusyunan ang financial problem nila sa pagpapagamot sa kanyang Mommy Zeny na dating cancer victim na magaling na ngayon.
“Alam natin hindi biro ang magka-cancer at chemotherapy, radiation and all.
“Siyempre nahihiya ako sa asawa ko, siyempre pamilya ko ito. Mabait ang asawa ko, sobrang mahal niya ang pamilya ko, pero ikaw di ba hanggang maari sosolohin mo.
“That time isa lang ang ginawa ko ipinanalangin ko. Pregnant ako noon, wala akong serye because I was pregnant,” chika ni Gladys.
“Pero alam mo, naiiyak ako tuwing naalala ko kasi noong pinanalangin ko ‘yon, doon talaga ‘yung sagot ng Diyos. Biruin mo, walang magbibigay ng work kasi last trimester buntis ako, pero I got a phone call.
Sabi ni Nay Lolit (Solis), ‘Anak, may commercial ka na gagawin.’
“Sabi ko, ‘Sure ka Nay kasi pregnant ako?’ ‘Ikaw talaga, ikaw ang gusto.’ So ang galing ni Lord, parang sinagot na ‘yung buong pagpapagamot ko sa nanay ko parang sinagot na through other ways,” umiiyak pang kuwento ni Gladys.
“True enough basta ang faith mo ay nandoon at prayers, nakaraos ang nanay ko at ngayon survivor ang nanay ko for eight years,” sey pa ng aktres.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.