NITONG nakaraang Martes ay nagpabida ang Bureau of Customs at binulldozer ang may 30-kotse sa Maynila, Cebu at Davao bilang pagpapakita na seryoso sila sa kampanya laban sa smuggling sa bansa.
Kabilang sa mga dinurog ng mga bulldozer sa harap pa mismo ni Pangulong Duterte ay mga magagara at mamahaling kotse tulad ng Lexus, Land Cruiser 200, Mercedes-Benz, BMW, at isang rare na Corvette Stingray.
Sa isang banda ay magandang ehemplo ito sa mga palagiang nagpapasok ng mga kotse sa bansa na hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Tama lang sirain ang mga kotseng ito dahil kung isusubasta ito, base na rin sa ating kaalaman, mapupunta rin ang mga ito sa mga taong nag-smuggle nito sa bansa at kikita pa ang mga loko sa Customs.
Isipin ninyo, hindi na nga nagbayad ng buwis ang mga switik, pero nagbayad naman sila sa bulsa ng mga lokong Customs personnel para mailabas ang kanilang kotse.
Hindi ko maintindihan ang mga negosyanteng ito dahil sa sistema nila, mas malaki ang gastos nila sa mga kotseng ini-smuggle nila pag ganito ang sistema imbes na minsanang bayad ng buwis sa pamahalaan.
May mga nagsasabing sana ibinenta na lang at yung pera ay ginamit sa mga nangangailangan.
Magandang panukala, kaya lang ganun din, babalik din ito sa mga switik na smuggler at kikita ulit ang mga loko sa Customs. Yan ang gusto pigilin ni Pangulong Duterte.
Kaya lang, parang naisahan si Duterte ng mga bata niya sa Customs dahil yung halaga nang kanilang sinirang mga kotse ay nasa mahigit P61 milyon lamang.
May nawawala na mga supercars at super fancy SUV na mas mahal pa sa pinagsamang halaga ng sinira.
Hindi ko nakita ang Lamborghini, McLaren, Ferrari at Land Rover na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng mahigit sa P20 million.
Ganyan din ang nangyari noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Nagbida at nagprisinta ng mga mamahaling kotse ang Customs, pero noong gibaan na, puro mga bubwit na kotse ang sinira at nawawala na ang mga magagarang kotse na una nilang binandera.
Sabi ni Customs Commissioner Sid Lapena, hindi raw dapat hanapin ang mga supercars at super SUV dahil hindi pa tapos ang papeles ng mga ito.
ANONG PAPELES EH SMUGGLED NGA!!! Kailangan daw due process.
Yan ang palagiang palusot ng mga pulis, Customs at mga law enforcement agencies kapag may gustong itago – DUE PROCESS.
Pero anong papeles at due process eh, idineklarang gulay at saging tapos sa loob Lamborghini. Anong papeles eh wala ngang papel, gulay nga ang deklarasyon ng Ferrari!
Ang masakit nito, kayo sa Customs ang nagmalaki na gigibain ninyo yung mga supercars pero hindi ninyo giniba. Press Release ho ninyo na gigibain ninyo ang mga Ferrari, Lamborghini, McLaren at Land Rover, kaya pag hinanap sa inyo, wag kayo magagalit sa amin.
Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa [email protected] o sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.