Alaska Aces ginapi ang Globalport Batang Pier sa OT
Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. TNT KaTropa vs Phoenix Petroleum
7 p.m. Kia Picanto vs Barangay Ginebra
HINABLOT ng Alaska Aces ang ikaanim nitong sunod na panalo matapos malampasan ang mapisikal na hamon at dagdag na limang minuto kontra Globalport Batang Pier, 105-98, sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup elimination round game Linggo sa Ynares Center, Antipolo City.
Sinandigan ng Aces ang dalawa sa kabuuang 11 ipinasok sa 12 free throw ni Vic Manuel sa natitirang 2:32 minuto sa overtime upang basagin ang 96-all na pagtatabla at tuluyang bitbitin ang koponan sa ikaanim na sunod na panalo matapos makalasap ng dalawang sunod na kabiguan sa simula ng kanilang kampanya.
Nagawa pa ni Manuel na itaas sa apat na puntos ang abante ng Aces matapos makawala sa 1:47 ng laro, 100-96, bago kinumpleto ng koponan ang 9-2 bomba sa huling minuto upang umakyat sa 6-2 record.
Nagawa munang burahin ng Aces ang 13-puntos na paghahabol sa ikatlong yugto sa paglunsad ng matinding atake sa ikaapat na yugto tungo sa pagpapalasap ng ikaapat na kabiguan sa loob ng pitong laro sa Batang Pier.
Inihulog ni Manuel ang pito sa huling siyam sa kabuuang 12 puntos ng Aces sa overtime upang palakasin ang tsansang makubra ang isa sa dalawang beses tataluning insentibo sa quarterfinals.
“If we have to play ten hours and win, then I’ll take it. It’s better than play fifteen minutes and lose,” sabi ni Alaska coach Alex Compton. “Whatever it takes to win.”
Nalimitahan naman ang Batang Pier sa limang puntos lamang sa dagdag na limang minuto upang muling makalasap ng kabiguan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.