Speaker bumait sa Senado; 2019 elections di tututulan
NAGBAGO ang posisyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez at isinali na niya ang Senado sa plano niya na pag-amyenda sa Konstitusyon.
At tila inabandona na rin niya ang plano na huwag ituloy ang midterm elections sa 2019 para bigyang daan ang transition period para sa pagbabago ng porma ng gobyerno.
Kamakalawa ng gabi ay nakipagkita si Alvarez at House Majority Leader Rodolfo Farinas kay Senate President Koko Pimentel at Senate Majority Leader Tito Sotto para pag-usapan ang Charter change.
Ayon kay Alvarez, hindi na muna pag-uusapan kung magkasama o magkahiwalay na boboto ang mga senador at kongresista. Ang uunahin umanong talakayin ay ang mga pagbabagong gagawin sa Konstitusyon.
“Mag-uusap muna kami doon sa detalye….. kagaya halimbawa ng structure ng government hanggang sa mabuo namin ‘yung Saligang Batas. Pagkatapos, kapag natapos na kami ay it will not make any difference anymore if we vote separately or jointly,” ani Alvarez.
Nauna ng sinabi ni Alvarez na itutuloy nila ang Charter change kahit wala ang Senado.
Inamin niya na mahirap nang matapos ang pag-uusap kung ano ang mga babaguhin sa Konstitusyon bago ang adjournment ng sesyon sa Marso para maisabay ng plebisito sa barangay election sa Mayo 2018.
“Tuloy po ‘yun,” sagot ni Alvarez sa tanong kung tuloy ang halalan sa 2019. “Kailangan maging realistic din tayo, although may mga targets tayong ganun (May 2018) pero kung hindi naman talaga kakayanan dahil may mga requirements ang batas, maga-adjust tayo,” ani Alvarez.
Minaliit naman ni Alvarez ang umano’y iringan sa pagitan ng mga kongresista at senador.
Nagpahaging din siya sa mga gumawa ng 1987 Constitution na hindi umano nila inayos ang kanilang trabaho.
“Unfair kasi iyan sa taumbayan iyung gagawa nitong ganyan. Kung naatasan sila na iyan ang gagawin ninyo ay gawin ninyo ng maayos,” ani Alvarez.
Dagdag pa niya sa paggawa ng batas ay may tinatawag na KISS—“ Ang ibig sabihin niyan, Keep It Simple, Stupid. Kasi gusto natin na yung Saligang Batas na iyan, maintindihan ng lahat ng ordinaryong tao.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.