Hunk actor nagwawala pag nakakalimutan ang make-up kit
SABAY-SABAY na kinakanta ng isang magkakatropa ang paboritong piyesa ng isang hunk actor. Bagay na bagay kuno sa kanya ang linyang “Kunin mo na ang lahat sa akin…”
Pero binabago ng tropa ang mga lyrics ng kanta, ‘yun din daw kasi ang kinakanta-kanta nu’n ng mga dating piloto ng hunk actor para hindi uminit ang kanyang ulo, sa totoo lang.
Ang kumpletong linya, “Kunin mo na ang lahat sa akin, huwag lang ang aking make-up kit, dahil siguradong maghuhuramentado ako sa galit.”
Ganu’n kuno ang hunk actor na sobrang linis sa katawan, palaging mabango, hinding-hindi dapat nakakalimutan ng piloto at PA niya ang mahiwagang make-up kit.
Kuwento ng isang source, “Kung gusto mo siyang mawala sa huwisyo, e, itago mo ang make-up kit niya.
‘Yun lang! Nandu’n na ang lahat ng mga gamit niya sa mga ginagawa niyang rekotitos bago siya humarap sa mga camera.
“Kailangang-kailangan niya ang mahiwaga niyang salamin. Hindi siya mabubuhay nang wala ‘yun. Kailangan niyang makita muna ang itsura niya bago siya sumalang sa isang eksena.
“Ganu’n siya ka-vain, matindi ang banidad ng hunk actor na ‘yun, tanggalan mo na ng isang gulong ang sasakyan niya at babatiin ka pa niya, pero kapag kinalimutan na ang make-up kit niya, giyera mundial na ‘yun!” humahalakhak na kuwento ng isang dating katrabaho ng hunk actor.
Kabog pa kuno ng hunk actor na ito ang mga katrabaho niyang girls sa dami ng kanyang mga kagamitan sa pagme-make-up. Pero hindi siya nagpapahiram ng kahit anong stuff niya, bawal na bawal ‘yun, dahil takot siyang mahawa ng sakit sa balat.
“Naku, paramihan ba kamo ng gamit sa pagme-make-up ang labanan? Panalo si ____ (pangalan ng hunk actor) pagdating sa ganyan, nauubos ang kadatungan niya sa pagbili ng mga latest brand, sa totoo lang!
“Sabihin mo ang brand at meron siya nu’n, hindi siya puwedeng mahuli, talagang gumagastos siya sa mga kolorete sa face dahil ‘yun daw ang nararapat sa trabahong meron siya.
“Kabog niya kayo, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, sa totoo lang, kaya lagyan n’yo na ng X ang mga name n’yo!” humahalakhak pa ring pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.