Star na star: Mocha nakukuha ang atensyon ng madlang pipol kahit walang ginagawa
IBANG klase na rin si Asec Mocha Uson. Hindi niya naman ginusto, pero naagaw niya uli ang atensiyon ng publiko, dahil sa parangal na iginawad sa kanya ng Alumni Association ng University Of Sto. Tomas.
Hindi niya ‘yun hiningi, lalong hindi niya inamot at binili, kusang-loob na ibinigay sa kanya ‘yun ng grupo ng mga nagtapos sa UST na katulad niya.
Pero binabawi sa kanya ng mga estudyante ng unibersidad ang nasabing parangal, wala raw siyang karapatang pagkalooban nu’n, dahil isa siya sa mga tagapagpalaganap ng fake news.
Pati ang iba pa niyang mga kasamahang ginawaran ng pagkilala ay nagpaplano na ring magsauli ng kanilang parangal dahil nawalan na raw ‘yun ng kredibilidad dahil kay Asec Mocha Uson.
Baligtarin naman natin ang sitwasyon. Kung sakaling hindi tinanggap ni Asec Mocha ang parangal ng Alumni Association ng UST ay ano naman kaya ang ibabato laban sa kanya ng mga kontrang-kontra sa kanyang pagkapili?
Siguradong panlalait pa rin ang kanyang matitikman, sasabihan naman siyang ubod nang yabang, porke Assistant Secretary na siya ngayon ng PCOO.
May mga magsasabi pang dahil sipsip siya sa pangulo ay pumasok na sa kanyang sistema ang kahambugan. Walang pupuntahan si Asec Mocha. Kumanan siya at kumaliwa ay may masasabi pa rin ang mga kontra sa kanya.
Pero isa lang ang ibig sabihin ng senaryong ito–made na talaga si Mocha Uson. Kaya na niyang kopohin ang atensiyon ng publiko nang wala naman siyang kaplano-plano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.