Solo liderato habol ng Barangay Ginebra Gin Kings
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Rain or Shine vs GlobalPort
7 p.m. Barangay Ginebra vs Blackwater
Team Standings: Barangay Ginebra (2-0); San Miguel Beer (2-0); Phoenix (2-1); Magnolia (2-1); NLEX (2-1); Blackwater (1-1); Rain or Shine (1-1); TNT (1-1); Alaska (1-2); Meralco (1-2); GlobalPort (0-2); Kia (0-3)
INAASAHANG sasandigan muli ng Barangay Ginebra Kings ang higante nito na si Greg Slaughter sa pagnanais masolo ang liderato sa inaasam na ikatlong sunod na panalo kontra Blackwater Elite sa tampok na laro ngayon ng 2018 PBA Philippine Cup elimination round sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Una munang magsasagupa ang Rain or Shine Elasto Painters na hangad ang ikalawang panalo at ang GlobalPort Batang Pier na pilit puputulin ang dalawang sunod na kabiguan sa alas-4:30 ng hapon na salpukan bago ang bakbakan ng Gin Kings at Elite sa alas-7 ng gabi.
Gumawa ang 6-foot-11 Slaughter ng 18 puntos at siyam na rebound dagdag ang limang blocked shot para tulungan ang Barangay Ginebra na matakasan ang GlobalPort, 104-97, noong Linggo.
Unang nagtala si Slaughter sa pagbubukas ng kampanya sa liga ng 24 puntos, 12 rebounds at apat na blocks para pamunuan ang Gin Kings sa 89-78 panalo sa karibal na Magnolia Hotshots sa tinaguriang “Manila Clasico” noong Pasko sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tangka naman ng Blackwater na makapagtala ng upset kontra sa Barangay Ginebra upang masukat kung hanggang saan ang aabutin ng kanilang kampanya.
“It would be something special for us if we become the first team to hand Barangay Ginebra its first defeat in the conference,” sabi ni Blackwater coach Leo Isaac.
“We are going to give our very best and try to win,” dagdag pa ni Isaac, na asam ang ikalawang sunod na panalo ng Elite upang makapantay sa mga nangungunang koponan sa eliminasyon.
Agad nabigo ang Blackwater sa kanilang unang laro sa bagong taon kontra Meralco Bolts, 103-98, bago bumangon sa pagtala nito ng 92-87 panalo kontra Rain or Shine.
Aminado naman si Gin Kings coach Tim Cone na hindi pa talaga nakakalampas ang kanyang koponan lalo na sa pagsungkit nito sa korona ng 2017 Governors’ Cup.
Sinabi ni Cone na bahagya nitong tinalo ang GlobalPort, 104-97, sa huli nitong laro na malayong-malayo sa dapat na kalidad ng Barangay Ginebra.
“We kind of just stole the game,” sabi ni Cone. “That’s what teams coming from a championship do. They sleepwalk through the first three quarters, just turn on and try to win down the stretch. They feel they can just show up and win. They don’t really play until they really have to.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.