Dalawang tao ang nasawi at 10 pa, karamiha’y estudyante, ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang multicab sa isang bangin sa Kidapawan City, North Cotabato, Linggo ng hapon.
Nasawi ang driver na si Moises Oclarit Ladra, 54, at pasaherong si Panda Pakatuwa, 62, sabi ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.
Sugatan sina Jane Noveno, 47; Jalil Ibrahim, 20; at mga estudyanteng sina Sandel Linaw, 19; Tarjata Lumna, 19; Jonaisa Ibrahim, 18; Monjer Ibrahim, 18; Melodi Amore Noveno, 17; Jalilah Ibrahim, 15; Merlin Maruhom, 15; at Javere Salim, 10.
Naganap ang insidente dakong alas-3:30 sa Purok 3, Brgy. Ilomavis.
Minamaneho ni Ladra ang Suzuki multicab (plate no. 120107) mula Agco, Ilomavis, patungong city proper, nang ito’y bumaligtad, lumipat sa kabilang lane, at nahulog sa bangin sa gilid ng daan.
“Totally wrecked” ang sasakyan dahil sa impact, ani Tayong.
Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang preno ng multicab habang nasa pababa at pakurbang bahagi ng daan, kaya nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver.
Dinala ang mga sugatan sa Kidapawan Medical Specialist Center at Madonna General Hospital para malunasan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending