Narekober ng mga otoridad ang mahigit P120 milyon halaga ng cocaine, matapos itong lumutang sa dagat na malapit sa Matnog, Sorsogon, nitong Miyerkules ng hapon.
Nadiskubre ng isang residente ang isang container kung saan nakapaloob ang hinihinalang iligal na droga, sa Juag Lagoon ng Brgy. Calintaan, dakong alas-5:30, sabi ni Supt. Nonito Marquez, tagapagsalita ng Sorsogon provincial police.
Nagtungo ang mga miyembro ng lokal na pulisya sa naturang lugar at nang buksan ang container ay natagpuan sa loob ang 24 pakete ng puting pulbos, ani Marquez.
Tinatayang nasa 1 kilo ang bigat ng bawat pakete, aniya.
Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency na pawang cocaine ang laman ng mga pakete, sabi naman ni Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Tinitingnan ngayon ang posibilidad na ang stash ng cocaine ay nahulog mula sa cargo ship na M/V Jin Ming Ho, na nagkaaberya at lumubog malapit sa katabing lalawigan ng Northern Samar noong Martes, aniya.
Matatandaan na anim na banyaga, na pawang mga taga-China, Hong Kong, at Taiwan ang nasagip bago lumubog ang barko, na galing China at patungong Chile.
“Posible. Tinitingnan ngayon ‘yung possibility na ganun, na nahulog ‘yung container pagdaan nila sa Matnog,” ani Calubaquib.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending