Hello excise tax; goodbye high income tax
SIMULA ngayon ipapatupad ng gobyerno ang pagpapataw ng excise taxes na siyang dahilan para magtaas ng presyo ng diesel, LPG, kerosene, bunker fuel na gamit sa electricity generation.
Nitong mga nakaraang taon, tanging gasolina lamang ang merong excise tax na P4.35 bawat litro.
Ginawa ito noong 1973 oil crisis kung saan inipit ng OPEC (Oil Producing Economic Countries) ang suplay. At noon, ang sobrang paggamit ng gasolina ay tinatawag na “Asyong Aksaya”. Kayat simula noon, naging mas mahal ang gasolina sa diesel.
Ang dinagdagang excise tax sa gasolina ay magiging P10 bawat litro sa 2020. Pero ngayon, ang itataas muna ay P4.35 bawat litro. Sa 2019, magdadagdag ng P2 at sa 2020 ay P1.
Simula rin ngayon, may excise tax na ang diesel kasama ang bunker fuel na P6 bawat litro sa loob ng tatlong taon. Ngayong 2018, sisimulan ito ng P2.50 bawat litro, sa 2019 tataas ng P2 at sa 2020, dadagdag ng P1.50.
Ang LPG ay papatawan naman ng excise tax na P3 bawat litro pagsapit ng 2020. Tig-piso na increase sa susunod na tatlong taon.
Ang kerosene o gaas ay may excise tax na rin na P5 bawat litro hanggang 2020. Tatlong piso ngayon, piso sa 2019 at piso sa 2020.
Dito kukunin ng gobyerno ang binawas nilang P172 bilyon na “personal income tax” ng 7.5 milyong sumusweldong empleyado. Paglipat ng polisiya patungo sa “consumption taxation” ito. At sa kanilang kalkula, hindi raw iindahin ng mga Pilipino ang dagdag na excise taxes. Sabi pa, halos 0.3 percent lamang daw sa ”inflation index”. Of course, to see is to believe.
Kung susuriin, pasahe sa jeepney, buses ang direktang tatama sa mamamayan dito. Hindi ako magtataka na maging P10-11 ang “minimum fare”. Bukod diyan, tataas din ang presyo ng mga ibinebentang lutong pagkain sa mga empleyado sa opisina o maging sa bahay. Kung dati ay P50 ang kanin-ulam, pwedeng umakyat ito sa P80-100.
Ang tanong, makakayanan ba nila ito? Saan nila kukunin ang dagdag na panggastos?
Sabi ni Sen. Sonny Angara, ang lumang tax code ay nagbibigay lamang ng P 50,000 “personal annual tax exemption”. Dito sa bagong batas, P250,000 ang exemption at dahil wala nang babayaran ang empleyadong sumusweldo ng P20,800 bawat buwan makakatipid siya ng P49,900 bawat taon o P4,158 bawat buwan.
Sinuri ko ang ginawang table ng mga tax experts. Kapag sumusweldo ka ng P25,000, ang matitipid mo sa buwis ay P55,000. Kung P30,000 bawat buwan, matitipid mo ay P61,000.
Sa P40,000 bawat buwang sweldo, matitipid mo ay P69,000. Kung P50,000 bawat buwan ang sahod, tipid ka ng P77,000.
Kung P70,000 bawat buwan, tipid ka ng P91,800 at kung P90,000 ang buwanang sweldo, ang matitipid ay P99,160. Higit P100,000 ang sweldo bawat buwan, ang tipid ay P101,760.
At ito’y sa mga single workers lamang, mas malaki ang maisusubi kung parehong nagtatrabaho si mister at misis. Bukod sa meron silang “500,000 tax-free income”, maari pa itong lumaki depende sa iba pang exemptions sa kanilang “income tax return”.
Sa totoo lang, ang importante sa akin ay nagbalik ng pera ang dating holdaper na gobyerno sa mga taong kumakayod sa araw-araw. Hindi ito nangyari kailanman sa kasaysayan ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.