ERICH GONZALES AT JERICHO ROSALES
TULAD ng mga naunang pelikula ni direk Paul Soriano, may pusong Pinoy at makabuluhan ang kuwento ng “Siargao”.
Sa mga mensaheng nais iparating ng pelikula, tatlo ang nangibabaw sa aking pananaw.
Una ay ang pagkahilig ng mga millennials na mag vlog (video log) at mag post ng kung anu-ano sa social media sa Internet.
Dito pumasok ang kuwento ni Laura (Erich Gonzales) na isang vlogger na tumalikod sa isang “commitment” at mag-isang tumungo sa Siargao.
Pangalawa ay ang kagandahan ng Siargao at ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at pagkalinga sa kalikasan. Ito ang mithiin at ipinaglalaban ng mga taga-isla sa pangunguna ni Karen (Mica Javier) at ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Pangatlo ay ang pagtakas sa responsibilidad, pagbalik sa nakaraan at paghanap sa tunay na kaligayahan. Ito ang kuwento nina Diego (Jericho Rosales) at Abi (Jasmine Curtis-Smith).
Ang lahat ng ito ay masining at maingat na inihabi ni direk Paul Soriano sa isla ng Siargao mula sa number one tourist offering nito na surfing, patungo sa mga kaaya-ayang white sand beaches at lagoons, hanggang sa nagbabagong “island life” sa komunidad.
Una akong nakarating sa Siargao noong dekada 1990 at base napanood ko sa pelikulang ito ay masasabi kong malaki na nga ang ipinagbago ng Siargao bagaman kasing tayog at kasing linis pa rin ang mga alon sa Cloud 9 na “perfect” para sa mga surfers.
Nagbabago na rin ang pamumuhay sa isla lalo na sa munisipyo ng Gen. Luna (Gee-El kung tawagin ng mga taga-roon) na ngayon ay dinadagsa na ng maraming Pilipino at dayuhang turista. Bagaman hindi pa ito maihahalintulad sa Boracay, nagkakaroon na rin ng “night life” sa Gee-El.
Ipinakita rin sa pelikula na hindi lamang puro “surfing” ang magagawa sa Siargao dahil ilang minutong “boat ride” lang ay may mararating ka nang sand bar, pristine beaches at ang sikat na ngayong Sugba Lagoon sa Del Carmen.
Pero hindi naman ito isang “travel docu” movie. Isa pa rin itong love story na tiyak na makaka-relate ang mga may hugot sa pag-ibig, ang may mga pinagdadaanan sa buhay, mga adventure seeking singles at mga millennials na nakahanap na ng “perfect partners” at nais mag-level up (o cool down) sa relationship.
Oo nga’t hindi mo matatawag na isang “commercial film” ang Siargao pero hindi naman mabigat o matalinhaga ang kuwento nito na tulad ng ilang indie films kaya tiyak kong mag-eenjoy pa rin kayo sa movie na ito kasama ang mga mahal ninyo sa buhay.
Ratings ko for Siargao?
Eight out of 10.