MERRY Christmas sa ating lahat. Isa pong taos-pusong pagbati sa bawat Pilipino.
Sa marami, ito’y araw ng pasasalamat sa mga biyayang tinamo sa nakalipas na taon at narating ang edad na ligtas pati ang kanilang kapamilya.
Ang Pasko 2017 ay mahirap kalimutan lalo pa’t sunod-sunod ang mga trahedyang nasaksihan natin. Tropical Depression Urduja sa Eastern Visayas, Tropical storm Vinta sa Mindanao pati na ang malaking sunog sa isang mall sa Davao City.
Iniisip ko tuloy na para bang si Prinsesa Urduja ay naglayag sa kanyang Vinta sa Visayas at Mindanao at nanunog pa para sumundo ng mga kaluluwa roon.
Sa pinakahuling bilang kay TS Vinta, 135 ang nasawi sa Northern Mindanao, 50 sa Zamboanga Peninsula at 18 sa Lanao del sur o kabuuang 203 patay. Samantala, 172 pang iba ang nawawala sa mga lalawigan ng Lanao del Norte, Zamboanga at Northern Mindanao.
Nauna rito, si TD Urduja ay nanalasa sa Eastern Visayas kung saan 46 katao ang kumpirmadong namatay at 18 iba pa ang nawawala sa mga landslides at sa dagat.
At nitong nakalipas na dalawang araw, wala na ring pag-asang ma-rescue pa ang 28 call center workers na nakulong ng buhay sa nasunog na New City Commercial Complex Mall sa Davao City.
Higit 400 pamilya ang dumanas ng malungkot na Pasko dahil sa mga nawalang mahal sa buhay, mga tahanan, at kabuhayan.
Noong December 6, 2012, nanalasa ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Mindanao, ang Supertyphoon Pablo (Bopha) kung saan 1,912 katao ang namatay sa maraming lalawigan doon lalo na ang Cagayan de Oro at Iligan.
Naalala ko ito dahil ito rin ang araw ng ma-knockout si Manny Pacquiao ni Juan Manuel Marquez sa sixth round. Matinding kalungkutan ang Pasko noon ng mga taga-Mindanao at ng pamilya Pacquiao at maraming tagahanga ni Pacman.
Kung tutuusin, karaniwan sa mga trahedyang ito’y maaring gawan ng paraan upang maiwasan o mabawasan. Unang problema ang katigasan ng ulo ng mga residente na manirahan sa mga mapanganib na lugar.
Ikalawa, ang kawalang “pakels” ng mga lokal na opisyal na pwersahin ang isyu at paalisin ang mga residente sa danger zones.
Ikatlo, ang kabiguan ng national government na disiplinahin din ang mga tamad na alkalde.
Doon naman sa namatay na call center employees sa sunog sa Davao, ito’y kasalanan ng may-ari ng gusali sa kawalan ng pasilidad sa “fire exits” o sprinklers at iba pa. May kasalanan din diyan ang Davao Bureau of fire Protection na hindi nakita ang panganib ng sunog.
Pero, ginagawa ba? Reminder ulit kapag meron na namang trahedya?
Sa mga namatayan, ang laging tanong ay kung bakit pinabayaan ni Lord ang ganitong mga trahedya.
Bakit sila pa? Nariyan naman si Mayor, Congressman at mag drug lords at iba pa?
Mahirap talagang arukin, pero dapat tanggapin natin ang katotohanan na tayo ay nabubuhay ngayon sa isang mundo na punong-puno ng mga salbaheng tao at mga kasalanan. At dahil diyan, hindi nawawala sa tabi natin ang mga disgrasya, sakuna man o trahedya.
Iniisip ko na lang palagi ang sinasabi ng Isaiah 57:1 sa Old Testament; “Ang mga mababait, mahabagin at maka-Diyos ay unang namamatay. Sila’y iniiwas ng Panginoon sa mga darating pang mga kasamaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.