Mark Anthony nakalaya na, drug case ibinasura ng korte
ISANG bonggang-bonggang Christmas gift ang natanggap ni Mark Anthony Fernandez bago mag-Noche Buena nitong weekend.
Makaraan nga ang mahigit isang taon ay nakalaya na si Mark Anthony mula sa Pampanga Provincial Jail sa Angeles City matapos madismis ang kasong possession of illegal drugs na isinampa sa kanya ng mga pulis.
Kung matatandaan, Oktubre noong nakaraang taon nang mahulihan ng isang kilong marijuana si Mark Anthony sa loob daw mismo ng kanyang sasakyan sa Angeles City.
Inamin noon ng aktor na totoong gumagamit siya ng marijuana para sa kanyang health condition pero mariin niyang pinabulaanan na nagbebenta siya ng ilegal na droga.
Sa ngayon, ayon sa report, ang kasong paglabag na lamang sa Article 151 ng Revised Penal Code o ang hindi magandang asal na ipinakita nito sa police checkpoint ang haharapin ng aktor.
Balitang sinundo si Mark ng kanyang pamilya sa nasabing kulungan at sabay-sabay lumuwas pa-Maynila. Hindi lang nabatid sa ulat kung kasama ang kanyang inang si Alma Moreno sa mga sumundo sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.