Christmas rush: 35 patay sa aksidente sa kalye
John Roson - Bandera December 25, 2017 - 06:40 PM
Di bababa sa 35 katao ang nasawi at dose-dosena pa ang nasugatan sa mga aksidente sa kalye sa kasagsagan ng “Christmas rush” mula Sabado hanggang Lunes, ayon sa pulisya.
Dalawampu sa mga nasawi, na kinabibilangan ng 6-buwang sanggol, ay sakay ng jeepney na nakasalpukan ng pampasaherong bus sa Agoo, La Union, Lunes, araw ng Pasko.
Kabilang sa mga nasawi sa naturang insidente ang jeepney driver na si Rolando Perez at sanggol na si Kyle Cabagbag, sabi ni Chief Supt. Romulo Sapitula, direktor ng Ilocos regional police.
Sila’y kasama sa 19 kataong idineklarang dead on arrival sa La Union Medical Center (LUMC) ng Agoo.
Binawian ng buhay ang isang Nelson Cabueñas habang nilulunasan sa Ilocos Training and Regional Medical Center ng San Fernando City, sabi ni Sapitula sa ulat na ipinadala sa mga reporter.
Siyam na iba pang pasahero ng jeep ang nagpapagaling ngayon sa LUMC, habang ang driver, kundoktor, at 16 pang pasahero ng Partas bus (plate no. 137704) ay dinala sa Agoo Family Hospital, dahil sa bahagyang pinsala, ani Sapitula.
Naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng umaga, habang minamaneho ni Perez ang jeepney (WST-575) sa bahagi ng Manila North Road na sakop ng Brgy. San Jose Sur.
Ihahatid sana ng jeepney ang mga miyembro ng isang pamilya at ilang kaanak sa maagang misa sa Manaoag, Pangasinan, sabi ni Chief Insp. Roy Villanueva, hepe ng Agoo Police.
Lumabas sa imbestigasyon na inunahan ng jeepney ang isa pang sasakyan at lumipat sa kabilang lane, kaya ito nasalpok ng bus na minaneho ni Rodel Sadac.
Samantala, apat katao ang nasawi at 26 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang jeep sa isang bangin sa bayan ng President Roxas, North Cotabato, Linggo ng hapon.
Pawang mga dead on arrival sa ospital ang mga pasaherong sina Michael Dalig, Ryan Marfore, at Delfin Igian, sabi ni Chief Insp. Andres Sumugat, hepe ng President Roxas Police.
Binawian ng buhay ang isa pa, na nakilala bilang si Edrian Angal, habang nilulunasan sa ospital, sabi ni Sumugat nang kapanayamin sa telepono.
Dinala sa iba-ibang pagamutan ang driver na si Wenfred Inutan at 25 pang pasahero, aniya.
Naganap ang insidente dakong alas-4:20 sa Brgy. Greenhills.
Minamaneho ni Inutan ang jeepney mula Kidapawan City patungong Arakan at nagmamaniobra sa pababang kurbada, nang magloko ang preno, ani Sumugat.
“Sa initial investigation, lumabas na nag-malfunction ‘yung brake. Nahulog sa bangin kasi curving ‘yung area, di na mahila ng driver ‘yung manibela, dumiretso sa bangin na may mga puno ng palm oil,” aniya.
Unang napabalita na walo ang nasawi sa salpukan, pero sinabi ni Sumugat na apat lang ang nakumpirma nang magtanung-tanong ang mga imbestigador sa iba-ibang ospital.
Una dito, dakong alas-4 ng hapon Linggo, tatlo katao ang nasawi nang sumalpok ang sinakyan nilang sports utility vehicle (SUV) sa likod ng isang trak sa Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Dinala ang mga pasaherong sina Romel Adante, Rolly Arzadon, at Jovani Partosa sa Ipil Provincial Hospital, ngunit pawang mga idineklarang patay, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Sa parehong pagamutan dinala si Maeverick Bagtasos, driver ng Hyundai Tucson SUV (AIA-2852), pati ang iba pang pasaherong sina Reden Alvarez, Kid Mark Limbaga, Ryan John Salvador, at Arcid Jairun.
Pawang mga empleyado ng Aleson Shipping Lines ang mga sakay ng SUV.
Minamaneho ni Bagtasos ang SUV patungo sa direksyon ng Ipil, nang sumalpok sa likod ng Isuzu trailer truck (UEG-350) na nakaparada habang kinukumpuni sa kalsada, sa Purok Little Paradise, Brgy. Baluran.
Lumabas sa imbestigasyon na mabilis ang takbo ng SUV bago nito nasalpok ang trak.
Noon ding Linggo, isa ang nasawi at tatlo ang nasugatan nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Balasan, Iloilo, dakong alas-9 ng gabi.
Dead on arrival sa ospital si Johnny Bantiling, driver ng isang EURO motorcycle, dahil sa mga pinsala sa ulo, sabi ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Western Visayas regional police.
Kritikal ang lagay ng driver ng isa pang motor na si Expedito Dalesme, 17, habang sugatan ang mga angkas niyang sina Sensen Dalesme, 29; Lester John Dalesme, 5; at Sendy Dalesme, 9.
Inokupa ng motor ni Bantiling ang kabilang lane, kung saan nito nasalpok ang sasakyan ng mga Dalasmes, sabi ni Gorero sa isang text message.
Samantala, inulat ng pulisya sa Negros Occidental na lima katao ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan sa magkakahiwalay na aksidente mula Sabado ng hapon hanggang Linggo ng umaga.
Karamihan sa mga insidente’y pagsalpok ng motorsiklo sa mas malalaking sasakyan. naganap ang mga ito sa mga bayan ng Toboso, Manapla, Binalbagan, at Kabankalan City.
Dalawa pang tao ang nasawi sa mga aksidenteng kinasangkutan din ng mga motor, sa Sual, Pangasinan, at Tiaong, Quezon, Linggo ng gabi, ayon sa ulat na ipinadala ng mga provincial police office.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending